Naglabas ng babala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa mga scammer na nagpapanggap na pulis, nagpapakalat ng mga pekeng arrest warrant at emergency alert, o nanghihingi ng pera kapalit ng diumano’y pag-areglo sa mga criminal case.
Inatasan ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher N. Abrahano ang mga cybercrime unit at station commander na agad imbestigahan ang mga ulat ng panloloko at panatilihing ligtas ang mga digital evidence laban sa mga suspek.
Muling nagpaalala ang NCRPO sa publiko na huwag magpadala ng pera, huwag magbigay ng one-time PIN (OTP) o mga password, at huwag mag-click ng mga kaduda-dudang link.
Pinayuhan niya rin ang publiko na mabilis na i-verify ang anumang natatanggap na banta sa pamamagitan ng mga official hotline at himpilan ng kapulisan.
