Inaasahang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong linggo ang susunod na Chief Justice ng Korte Suprema kasabay ng nakatakdang pagreretiro ni Chief Justice Alexander Gesmundo ngayong Biyernes, 6 Nobyembre, sa kanyang pag-abot sa mandatory retirement age na 70 taong gulang.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ngayong Miyerkules, lahat ng limang miyembro ng shortlist ay nagtataglay ng sapat na kagalingan at integridad upang pamunuan ang hudikatura, ngunit tumanggi siyang pangunahan ang desisyon ng Pangulo.
“Lahat naman po ng mga kandidato para maging chief justice sa Supreme Court, lahat po sila ay may kaniya-kaniyang kagalingan, kaniya-kaniyang integridad. At hayaan po ninyo, i-announce naman po kung sino po iyong susunod na chief justice this week; hindi po natin pangungunahan ang ating Pangulo,” pahayag ni Castro sa ginanap na Palace briefing.
Isinmite ng Judicial and Bar Council (JBC) ang opisyal na shortlist sa Malacañang noong 29 Oktubre na kinabibilangan ng limang kasalukuyang mahistrado ng Korte Suprema.
Ang mga nominado ay sina Senior Associate Justice Marvic Leonen; Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa; Associate Justice Rodil Zalameda; Associate Justice Japar Dimaampao; at Associate Justice Jose Midas Marquez.
Samantala, iginawad ni Pangulong Marcos kay Gesmundo ang Order of Lakandula with the Rank of Grand Cross (Bayani) sa isang seremonya sa Malacañang ngayong Miyerkules bilang pagkilala sa kanyang malaking ambag sa hudikatura.
Nagsilbi si Gesmundo bilang ika-27 Chief Justice ng bansa mula noong 5 Enero 2021, kung saan pinunuan niya ang modernisasyon ng mga korte sa pamamagitan ng digital transformation at ang pagpapatupad ng regionalized at digital na Bar Examinations.
Ang pagreretiro ni Gesmundo ay mag-iiwan ng bakante sa Korte Suprema, habang nakatakda rin magretiro si Associate Justice Amy Lazaro-Javier sa darating na 16 Nobyembre.
