Inamin ni Senator Erwin Tulfo nitong Lunes, Oktubre 19, na labis siyang nadismaya at nasaktan matapos bumoto ang tatlo niyang kasamahan sa minority bloc upang patalsikin siya sa puwesto kaugnay ng kontrobersya sa kaniyang citizenship.
Ang tinutukoy ni Tulfo ay sina Senators Pia Cayetano, Robin Padilla, at Camille Villar na mga kasapi ng Senate Electoral Tribunal (SET) kasama sina Senators Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Lito Lapid, pati na ang tatlong associate justices ng Supreme Court.
Ibinasura kamakailan ng SET sa pamamagitan ng 6-3 vote ang motion for reconsideration na inihain ng abogadong si Berteni Causing laban sa eligibility ni Tulfo.
Sinabi ng mambabatas na nalaman lamang niya sa social media na bomoto laban sa kaniya sina Cayetano, Padilla, at Villar, na itinuring niyang hindi karaniwan dahil karaniwang “abstain” ang boto ng mga kasamahan sa minorya sa mga ganitong usapin.
Ibinasura ng SET ang mosyon ni Causing dahil sa paghahain nito nang labas sa itinakdang panahon o prescribed period.
Una nang ibinasura ng tribunal ang quo warranto petition noong Marso dahil sa “insufficiency in form.”
Pinagbatayan sa petisyon ang mga usapin sa national citizenship ni Tulfo, kawalan umano ng kaukulang kwalipikasyon, at ang pagiging bahagi ng political dynasty.
Binigyang-diin naman ni Tulfo na pormal nang ibinasura ng Commission on Elections at pinagtibay ng Supreme Court ang parehong reklamo laban sa kaniya.
