Ilang multi-purpose building pa ba ang kailangang itayo sa bansa para masabing sapat na?
Para sa mga miyembro ng House of Representa-thieves este Representatives, tila hindi pa rin sapat ang libo-libong naipatayo na. Nalintikan na!
Sa inaprubahang bersyon ng Kamara para sa panukalang 2027 National Budget, nagpasok ang mga lehislador ng karagdagang P42.7 billion para sa mga multi-purpose building.
Dahil dito, lumobo ang orihinal na P41 billion na panukala ng administrayong Marcos tungo sa P83.7 billion, higit sa doble ng orihinal na budget! Ang pondong ito ay sapat para makapagtayo ng humigit-kumulang 5,765 na bagong gusali.
Medyo marami na, ‘di ba?
Pero para sa mga kongresista, kulang pa rin ‘yan. Susmaryosep!
Depensa ni House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson Albert Garcia at ng iba pang lehislador, mayroong mahigit 42,000 barangay sa buong bansa na nangangailangan ng ganitong pasilidad. Ang pondo rito ay nasa 10% pa lang daw ng kabuuang pangangailangan. Dagdag pa nila, patuloy ang buhos ng hiling mula sa mga Local Government Unit (LGU) para sa mga ganitong proyekto.
Ano nga ba ang tunay na gamit ng mga gusaling ito? Ayon kay Garcia, puwede raw itong maging daycare center, silid-aralan, o venue para sa mga pampublikong pagpupulong. Kabilang na rin dito ang mga covered court kung saan puwedeng mag-Zumba ang mga residente, mag-meeting si Kapitan, at mag-basketball ang mga kabataan para umiwas sa droga at hindi puro gadget ang atupagin.
Giit naman ni Congressman Fuentebella, hindi raw ito basta kagustuhan lang ng mga kongresista kundi halimbawa ng “bottom-up budgeting” o mga proyektong nanggaling mismo sa kahilingan ng mga komunidad. May mga dokumento naman daw na nagpapatunay rito, bagama’t hindi pa nakikita ng publiko. E ‘di wow!
Subalit hindi lahat ay nakukumbinsi sa mga linyang ito.
Batay sa pagsusuri ng People’s Budget Coalition (PBC) at BetterGovPH, malaki ang kulang sa mga pampublikong dokumento na magpapatunay na kailangan talaga ang libo-libong bagong proyekto.
Bukod dito, lumalabas din sa datos ng nakaraang taon na karamihan sa mga pondong inilaan para sa multi-purpose buildings ay napunta lamang sa Metro Manila, malayo sa sinasabi nilang mga malalayong barangay sa probinsya na siyang mas nangangailangan.
Hindi na rin bago ang ganitong gawain sa Kongreso.
Noong 2026, mula sa P29.7 billion na panukala sa National Expenditure Program (NEP), itinaas ito ng mga mambubutas este mambabatas papuntang P79.9 billion.
Mula 2015 hanggang 2026 naman, umabot na sa kabuuang P739.6 billion ang nailaan ng pamahalaan para sa 79,970 na proyekto ng multi-purpose building.
Sa gitna ng kulang-kulang na silid-aralan, sirang mga ospital, at kapos na ayuda sa agrikultura, nakapagtataka kung bakit mas inuuna pa rin ng Kamara ang pagpapatayo ng mga sementadong covered court.
Nangangailangan nga ba talaga ang mga Pilipino ng higit 5,000 pang panibagong bulwagan? O sadyang kailangan lang ng ating mga lehislador ng mga bagong pader kung saan maipipinta ang kanilang mga pangalan, mukha, at inisyal bago dumating ang susunod na halalan? Naloko na!
