Hindi natinag si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga Jr., na kilala online bilang “Congressmeow”, matapos siyang kasuhan ng inciting to sedition at inciting to rebellion ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 12, ipinost mismo ni Barzaga ang kopya ng kanyang subpoena, kung saan nakasaad na ang reklamante ay si Police Captain Aaron Blanco ng CIDG.
Sa naturang post, direkta niyang tinag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at hinamon ito sa pamamagitan ng matinding tanong:
“Bongbong Marcos, how many people have your father killed or imprisoned before he was removed from power?”
“This will not stop us, this will only make the revolution stronger!” dagdag ni Barzaga.
Hindi niya diretsong sinagot ang mga paratang sa kanya, ngunit malinaw na nagpahiwatig ng diwa ng pagtutol at protesta.
Sa isa pang post kinagabihan, naglabas muli ng emosyonal na mensahe ang batang kongresista:
“I always wanted to be a martyr, to die for a noble cause. I may not be able to witness our country’s future where President Marcos is imprisoned, but I’m glad to have contributed towards his downfall!”
Ang mga kaso laban kay Barzaga ay nakasaad bilang paglabag sa Article 142 (Inciting to Sedition) at Article 138 (Inciting to Rebellion) ng Revised Penal Code, kaugnay ng probisyon ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act).
Matatandaang isa si Barzaga sa mga sumuporta kay Marcos Jr. noong kampanya sa 2022. Ngunit matapos makapasok sa Kongreso, naging kilala siya bilang Gen Z firebrand na walang takot batikusin ang administrasyon na madalas sa anyo ng matatalas at mapang-asar na post sa social media.
Mula sa kanyang cat-themed persona hanggang sa pagiging tinig ng kabataan sa plenaryo, ginagamit umano ni “Congressmeow” ang kanyang plataporma para ilantad ang korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan kahit kapalit nito ay kaso, kontrobersiya, at posibleng pagkakakulong.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Malacañang o ang CIDG hinggil sa mga pahayag ni Barzaga at sa inihaing mga kaso. (Boyet Barba Jr)
