Nanawagan ang dalawampung senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes, Nobyembre 9, na magdeklara ng state of calamity sa mga lugar na apektado ng Super El Niño upang agad na magamit ang mga pondo laban sa matinding epekto nito sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10121, ang pagdedeklara ng state of calamity ay nagpapairal ng mga remedial measures tulad ng pagpapatupad ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin, pag-monitor laban sa hoarding at profiteering, paglalaan ng pondo para sa pagkukumpuni ng pampublikong imprastraktura, at pagpapautang nang walang interes sa mga apektadong komunidad.
Sa pamamagitan ng Proposed Senate Resolution No. 765, inirerekomenda ng mga senador batay sa payo ng NDRRMC na ideklara ang state of calamity para matugunan ang matinding krisis, lalo na sa sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Senate President Win Gatchalian, Senate President Pro Tempore Tito Sotto, at sina senators Kiko Pangilinan, Migz Zubiri, Bam Aquino, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Lito Lapid, Joel Villanueva, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Ping Lacson, Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Imee Marcos, Robin Padilla, Bong Go, Camille Villar, at Mark Villar.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), umabot na sa P6.87 billion ang pinsala sa agrikultura na sumasakop sa 249,028 ektarya noong Setyembre 26, halos kalahati ng kabuuang pinsala noong 2023-2024 El Niño.
“Planting season ngayon sa ating mga palayan at kailangan ng tubig. Kailangan mag-plant din tayo ng mga remedial measure tulad ng pag-impose ng price ceilings at laban sa overpricing, profiteering, at hoarding,” paliwanag ni Sen. Kiko Pangilinan.
Noong Nobyembre 5, inihayag ng PAGASA na kasalukuyang umiiral ang isang napakalakas na El Niño sa Pacific Ocean na inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa peak ang El Niño sa dulo ng 2026, na magdudulot ng matinding kakulangan sa ulan at tagtuyot sa maraming probinsya.
Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, noong Oktubre 2026 ay may limang lalawigan na ang nakaranas ng meteorological drought, 11 sa dry spell, at 10 sa dry conditions.
Binigyang-diin sa resolusyon ng Senado na bagama’t mahigit 100 lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity, nasa 2.53 million lamang sa 11.12 million na target beneficiaries ang naabutan ng tulong ng DA.
Nangangahulugan ito na isa lamang sa bawat limang magsasaka ang nakatatanggap ng kinakailangang ayuda.
Ayon pa sa mga senador, mayroong humigit-kumulang P39 billion na available sa disaster response fund ng bansa na pwedeng magamit agad kapag naideklara ang state of calamity.
