Sinampahan na ng kaso ng Manila Police District (MPD) ang isang 23-anyos na carnapper na nahuli at binugbog ng mga residente matapos magnakaw ng motorsiklo sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Ricky Dellagas, isang mekaniko at umano’y miyembro ng Sputnik Gang, na nakatira sa PNR Compound, Samson Road, Caloocan City.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law at Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon.
Ayon sa imbestigasyon, tinangay ni Dellagas ang Yamaha Mio (plate number 961NZY) na nakaparada sa San Diego corner Calamba Streets, Brgy. 500, Zone 49, Sampaloc, na pagmamay-ari ni Erwin Lumibao, 46, isang delivery rider mula Valenzuela City.
Nakita ng saksi na si Roce Balmes ang pangyayari at agad siyang humabol sa suspek. Ngunit, binalingan ng patalim ni Dellagas si Balmes at tinangkang manaksak. Dahil dito, nagtulong-tulong ang mga bystander sa lugar para habulin at tuluyang masukol ang carnapper.
Narekober mula sa suspek ang ninakaw na motorsiklo, isang sling bag, kitchen knife, tatlong susi ng motorsiklo, allen wrench, gunting, at two-way radio.
Matapos maibalik sa may-ari ang motorsiklo, dinala ng mga residente si Dellagas sa MPD–Police Station 4 para sa pormal na pagsasampa ng kaso. (Arsenio Tan)
