Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa ang publiko sa mga imbestigasyon kaugnay ng malawakang katiwalian sa flood control projects, dahil sa kabagalan umano ng Senado at ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na maglabas ng kongkretong resulta.
Ayon sa mga netizen, tila malabong may “big fish” o mga mambabatas na sangkot sa anomalya na tunay na makulong, lalo na’t maging noong PDAF scam noong 2013, tatlong senador lang ang nakasuhan, ngunit kinalaunan ay naabsuwelto at muling nakabalik sa puwesto.
Maging ang business community ay nagpahayag ng pangamba na maaaring mabigo ang ICI sa misyon nitong busisiin ang katiwalian sa flood control projects, dahil sa kakulangan ng pondo, tao, at kapangyarihang magparusa.
“Nebulous goals, underfunded, at walang malinaw na kapangyarihang magparusa — doomed from the start,” ayon sa ilang lider ng negosyo.
Aminado mismo si Palasyo spokesperson Usec. Claire Castro na limitado lang ang mandato ng ICI at ito ay fact-finding body lamang na walang awtoridad na magpataw ng parusa sa mga opisyal na hindi susunod sa imbestigasyon.
Kahit si Public Works Secretary Vince Dizon, na nangunguna sa pagbubunyag ng mga anomalya, ay umano’y nalulunod na rin sa dami ng kaso at ebidensyang kailangang busisiin. Maging ang Pangulo ay nagpahayag ng galit at pagkadismaya matapos makita ang tindi ng pinsalang dulot ng katiwalian sa flood control projects sa buong bansa.
Ayon sa mga negosyante, malaking hamon ang logistic at manpower ng ICI, dahil kailangan pa nitong kumuha ng mga imbestigador, abogado, at technical staff para sa dokumentasyon at ebidensiya mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Nag-alok ng tulong si Al Panlilio, presidente ng Management Association of the Philippines (MAP), upang pondohan ang mga kagamitan ng ICI gaya ng computer, printer, at scanner, dahil tanging mga volunteer lawyer pa lamang ang nagtratrabaho rito.
Kasama ni Panlilio sa MAP si dating DPWH Secretary Babes Singson, na miyembro rin ng three-man ICI panel.
Ayon kay Panlilio, 34 business groups ang handang tumulong ngunit nananawagan din sila sa Malacañang na palakasin ang kapangyarihan ng ICI upang ito ay maging independent at may legal authority na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon laban sa mga tiwaling opisyal.
Sa ngayon, limitado lamang ang mandato ng ICI sa pagdinig, pagkuha ng testimonya, at pagrerekomenda ng kaso sa tamang ahensya.
Suportado ng MAP ang panukala ni Senador Bam Aquino na gumamit ng blockchain technology upang gawing mas transparent ang mga transaksyon sa gobyerno.
“Sa blockchain, makikita agad kung may iregularidad. Hindi mo na maitago kung saan talaga napupunta ang pera ng bayan,” ayon kay Panlilio.
Ayon kay Aquino, sisimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paggamit ng blockchain sa badyet nito, na susundan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Pinangunahan ni Senator Bam Aquino ang panukalang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act o ang Bill No. 1506 na layong labanan ang katiwalian sa pamahalaan sa pamamagitan ng paglalabas ng lahat ng isinagawang transaksyon ng mga opisyal sa publiko.
Aniya, ang pagiging bukas sa publiko ang siyang mabisang sandata laban sa korapsyon.
“Walang dahilan para itago kung saan napupunta ang pera ng taumbayan,” giit ng senador.
Sa kabila nito, marami pa rin ang naniniwalang matatagalan o baka hindi na matapos ang imbestigasyon ng ICI.
Walang itinakdang timetable para sa kanilang trabaho, dahilan upang lumaganap ang hinalang “paasa” lamang ito sa publiko, hanggang sa tuluyang mapagod ang taumbayan at lumipat na sa panibagong isyung pampulitika.
