Sinampahan ng administrative at criminal complaints ang pitong alkalde mula sa ikalimang distrito ng Cebu matapos umanong bumiyahe sa London habang binabayo ng Bagyong Tino (Kalmaegi) ang Cebu at karatig-probinsiya nitong unang linggo ng Nobyembre.
Ang mga sinasangkot ay sina Mayor Aljew Fernando Frasco ng Liloan, Avis Ginoo-Monleon ng Catmon, Alfredo Arquillano Jr. ng San Francisco, Greman Solante ng Tudela, Edgar Rama ng Poro, Manuel Santiago ng Pilar, at Felijur Quiño ng Compostela.
Isinampa ni Atty. Julito Añora Jr. ang reklamo nitong Martes, Nobyembre 11, sa Office of the Ombudsman–Visayas.
Ayon kay Añora, ang pag-alis ng mga alkalde sa kasagsagan ng kalamidad ay malinaw na “gross neglect of duty, grave misconduct, at dereliction of duty”, at labag sa mandato ng mga opisyal na mamuno sa panahon ng sakuna.
Giit pa ng abogado, posibleng lumabag din ang mga alkalde sa ilang batas kabilang ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, Local Government Code, at Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
“Paalala ito sa lahat ng opisyal ng gobyerno na ang liderato ay hindi pribilehiyo kundi responsibilidad, lalo na kapag ang mga tao ay nasa gitna ng krisis,” ayon kay Añora sa kanyang Facebook post.
Kinumpirma ng Cebu Provincial Government na nagkaroon ng Foreign Travel Authority (FTA) ang mga alkalde bago pa man tumama ang bagyo. Ayon kay Governor Pamela Baricuatro, dumaan sa tamang proseso ang pag-apruba ngunit nanindigan siyang may pananagutan pa rin ang mga opisyal sa kanilang nasasakupan.
“Alam mo, pwede naman ‘yun maiwasan. Prerogative nila ‘yan pero sila rin ang mananagot sa tao,” ayon sa gobernador sa panayam ng The Freeman.
Samantala, tanging si Borbon Mayor Nico Dotillos ang nagpasya na huwag tumuloy sa biyahe, dahil sa banta ng kalamidad, ayon sa sulat na kanyang ipinadala sa gobernador noong Oktubre 27.
Ayon sa Local Government Code, obligasyon ng mga gobernador at alkalde na pangunahan ang disaster response at relief operations sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang paglabag dito ay may kaukulang parusang P50,000 hanggang P500,000 multa, 6 hanggang 12 taon na pagkakakulong, at habambuhay na diskwalipikasyon sa anumang posisyon sa gobyerno.
Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) noong Nobyembre 11, umabot sa 232 katao ang nasawi sa buong bansa dahil sa Bagyong Tino, na tinaguriang pinakamalupit na bagyo ng taon.
Sa Cebu pa lamang, 150 katao ang naiulat na namatay, kabilang ang 36 sa bayan ng Liloan — pinakamataas sa buong probinsya.
Tumama ang bagyo ng walo (8) beses bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility noong Nobyembre 6, habang marami pa ang hindi nakababangon mula sa 6.9 magnitude na lindol ilang araw bago ang bagyo.
Nagresulta ito sa malawakang pagbaha, landslide, at pagkawala ng kuryente, na ayon sa mga residente ay “mas malala pa kaysa sa Odette noong 2021.”
Samantala, bago pa man tumama ang bagyo, itinaas na ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang red alert status at sinuspinde ang klase mula Nobyembre 3 hanggang 5 habang isinasagawa ang mga pre-emptive evacuation. (Boyet Barba Jr)
