Sa isang payak ngunit makabuluhang seremonya ngayong hapon, ipinagdiwang ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 120th Founding Anniversary nito sa Social Hall, bilang pagkilala sa mga katuwang at tagasuportang naging bahagi ng kanilang misyon sa pagpapabuti ng buhay ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Pinangunahan ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pamamahagi ng Certificates of Appreciation sa mga stakeholders, kabilang na ang mga kasapi ng media, na nagbigay ng mahalagang tulong at suporta sa BuCor at sa mga PDL na nasa pangangalaga nito.
Ayon kay Catapang, malaking bahagi ang ginampanan ng mga katuwang sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong magbigay ng pag-asa at rehabilitasyon sa mga PDL.
“Ang simpleng pagtitipon na ito ay hindi lang pasasalamat, kundi pagpapatibay ng ating iisang layunin — ang pagbibigay ng bagong direksyon at pag-asa sa mga taong ating pinaglilingkuran,” ani Catapang.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Catapang ang pagkansela ng BuCor Social Night na dapat sanang gaganapin bukas, kabilang ang BuCor’s Got Talent, bilang pakikiisa sa panawagan ng Pangulo na umiwas sa magarbo o magastos na pagdiriwang, lalo na’t marami pa ring Pilipino ang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad.
“Ito ay panahon ng pagninilay at pagkilala sa sama-samang pagsisikap upang mapabuti ang buhay ng iba sa kabila ng kanilang mga pagsubok,” dagdag pa ng BuCor Chief.
Sa kabila ng pagiging simple ng selebrasyon, dama ang diwa ng pagkakaisa, pasasalamat, at tunay na paglilingkod na siyang naging tatak ng Bureau of Corrections sa loob ng 120 taon. (Mina Paderna)
