SWAK sa loob ng rehas ang 31-anyos na gasoline boy na inakusahang nanggahasa sa kanyang menor-de-edad na anak nang masakote ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, nitong Hunyo 11, 2026, nang maglabas si Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline S. Mendoza-Francisco ng Branch 270 ng warrant of arrest laban sa akusado na residente ng Brgy. Gen. T De Leon para sa kasong Rape at Sexual Assault in relation to R.A. 7610.
BASAHIN: 14-anyos na PWD, patay matapos bugbugin ng 6 na menor de edad
Matapos namang makakuha ng kopya ng nasabing warrant ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3, agad ikinasa nina PCpl John Melo De Paz, PCpl Inglis Balagtas, PCpl Ledrick Bacuran, Pat Robert Regalado at Pat Ian Christian Orosco sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang operation laban sa akusado.
Inaresto ang akusado sa bisa ng nasabing warrat nang masukol nina Capt. Dorado dakong alas-10:10 ng gabi sa harap ng isang convenience store sa Gen.T. De Leon Road, Brgy. Gen. T. De Leon.
Walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa akusado para sa kasong Rape habang naglaan naman ng P200,000 piyansa para sa kasong Sexual Assault. Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay sa biktima ngayon taon.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (JUVY LUCERO)
