Accident or crime scene cordon tape, police line do not cross. It is nighttime, emergency lights of police cars flashing blue, red and white in the background
Nasawi ang isang 14-anyos na person with disability (PWD) matapos itong pagbubugbugin ng anim na kapwa niya menor de edad sa Barangay BF Homes sa Paranaque City.
Kinilala ang biktima na si John Raven Tabinas, na pumanaw dulot ng tinataglay nitong matinding pinsala sa ulo.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakipagkita ang biktima sa ilang menor de edad upang tanggapin ang isang shorts na diumano’y binili para sa kaniya.
Ayon sa mga awtoridad, normal naman ang naging tagpo sa simula, ngunit nagbago ang sitwasyon matapos maiabot ang shorts habang tumatawid ang biktima sa isang footbridge.
“Bale matapos nung naibigay na nila ‘yung shorts, pag-akyat nung victim natin doon sa footbridge, doon na siya pinagsusuntok,” pahayag ng isang opisyal ng pulisya sa naturang ulat.
BASAHIN: Lolo, ama kalaboso sa pang-aabuso sa 12-anyos na dalagita
Sa kabila ng mga natamong sugat, nagawa pang makatakbo ng teenager patungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya upang humingi ng tulong.
Ayon sa mga awtoridad, nagsusuka na ng dugo ang biktima nang makarating sa mga pulis, kaya’t agad itong isinugod ng mga responders sa ospital.
Batay sa ulat ng Parañaque City Police, nagtamo ng severe traumatic brain injury ang biktima dahil sa pambubugbog, na naging sanhi ng kaniyang pagkasawi habang nararatay sa ospital.
Kasunod ng insidente, agad na naglunsad ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa anim na menor de edad na itinuturong sangkot sa pananakit.
“Nung nai-report sa atin, nag-conduct na tayo ng follow-up. Nakuha natin sila,” dagdag ng pulisya.
Inihayag din ng mga awtoridad na positibong nakilala ng biktima ang mga suspek sa pamamagitan ng isang video procedure habang ito ay nasa loob pa ng ospital.
Hindi napigilang maging emosyonal ng ina ng biktima na mariing kinondena ang sinapit ng kaniyang anak.
“Masakit po sa akin ‘yung ginawa nila. Walang kamalay-malay ‘yung anak ko. Ginawa lang nilang pangsuntok, binugbog nila, walang kalaban-laban,” anang ina.
Hindi naman nakapagbigay ng pahayag sa ulat ang anim na menor de edad na kasalukuyan nang nasa ilalim ng pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Kinumpirma ng pulisya na naisumite na ang reklamong murder laban sa mga suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam ng mga investigator ang motibo sa likod ng malagim na pag-atake.
