Photo: GSIS
Binagtas ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mga mapanghamong karagatan upang marating ang mga geographically isolated communities at maghatid ng mga makabagong kagamitan sa pag-aaral sa ilalim ng kanilang Adopt-a-School Program (ASP).
Bitbit ang mga smart TV, laptop, at iba pang mahahalagang kagamitan, tinawid ng GSIS team ang Pacific Ocean malapit sa makasaysayang isla ng Homonhon sa Eastern Samar upang abutan ng tulong ang Homonhon National High School. Ang inisyatibang ito ay naglalayong magdala ng digital learning tools sa isa sa mga pinakaliblib na island communities sa bansa.
Bukod dito, pinalawig pa ng GSIS ang kanilang outreach sa Liponpon Elementary School na matatagpuan sa Isla Verde, Batangas City. Kabilang sa mga ipinagkaloob na donasyon ang mga laptop, printer, smart TV, electric fan, speaker, at mga portable energy storage unit upang mapaganda ang kondisyon ng mga silid-aralan.
Isinakay ang mga kagamitan sa isang sea ambulance upang tawirin ang Verde Island Passage—isang kipot na nakakonekta sa South China Sea—bago binuhat at nirek ng team paakyat sa tuktok ng bundok kung saan matatagpuan ang paaralan.
Nakinabang din sa naturang pamamahagi ng educational at technology equipment ang Malilipot Central School sa Albay at Bacak Elementary School sa Catanduanes.
BASAHIN: 10M Pinoy, target selyuhan ng TESDA sa world-class skills
Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng suporta ng GSIS sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabuti ang akses sa de-kalidad na edukasyon at matiyak na walang mag-aaral na Pilipino ang maiiwan dahil lamang sa lokasyon o kakulangan sa reserba.
“Hindi dapat hadlangan ng distansya o lokasyon ang pagkakataon ng isang batang Pilipino na magkaroon ng dekalidad na edukasyon. Kung kinakailangang tawirin ang dagat upang makarating ang tulong, gagawin natin ito,” pahayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso.
Ang malawakang turnover ay bahagi ng mas malaking programa ng GSIS na magkakaloob ng kabuuang P12 milyong halaga ng technology packages at essential learning equipment sa 30 pampublikong paaralan sa buong bansa, partikular na sa mga underserved at malalayong komunidad.
Sa ilalim ng pakikipagtulungan ng GSIS sa Department of Education (DepEd), bawat piling paaralan ay tatanggap ng assistance package na nagkakahalaga ng P400,000.
Naglalaman ito ng information and communications technology (ICT) equipment, mga muwebles, at appliances na ibinatay sa kanilang partikular na pangangailangan.
Layunin ng programa na iangat ang antas ng pag-aaral ng mga estudyante kapwa sa online at face-to-face na pamamaraan, habang tinutulungang mapunuan ang agwat sa teknolohiya o digital divide sa mga pampublikong eskwelahan.
“This is an investment in educational equity and the future of our young learners,” dagdag ni Veloso. “By bringing digital tools and modern equipment to schools, especially those in remote and underserved communities, we are creating opportunities for students to learn, grow, and succeed.”
Ang ASP ay isa sa mga pangunahing haligi ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng GSIS, na kinabibilangan din ng volunteerism ng kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng taunang programang Brigada Eskwela.
