Target ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maabot ang “universe” ng may 10 milyong Pilipino upang mabigyan ng world-class na technical education at skills.
Ito ang inihayag ni TESDA Director General Secretary Francisco “Kiko” Benitez nitong Martes, Hunyo 9, sa ginanap na media tour sa tatlong pangunahing training facilities sa TESDA Central Office sa Taguig.
Kasama nitong naging gabay sa paglibot ng media si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Ramon “Mon” Ilagan.

Ayon kay Benitez, ang kalahati ng kasalukuyang TESDA Complex ay nakalaan para sa Central Office, samantalang ang kalahati naman ay ginagamit ng TESDA-NCR Regional Training Center.
BASAHIN: AI, NEGOSYO, AT DIGITAL SKILLS, LIBRENG ITUTURO NG TESDA
Binigyang-diin ng kalihim na patuloy ang pagbabago sa mga industriya, partikular na sa pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI). Dahil dito, nakikipagtulungan ang TESDA sa DOST at DICT sa ilalim ng AI Roadmap na binuo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
“Walang humpay ang aming mga pagsisikap. Nagbukas kami ng mga makabagong programa tulad ng sa HVAC (heating, ventilation, and air conditioning) mula National Certification (NC) I hanggang NC4 at NC5,” ani Benitez, na binanggit din ang world-standard competency partnership ng bansa sa Japan.
Bukod sa AI, nakatutok din ang TESDA sa transisyon patungong Electric Vehicles (EV) sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga higanteng kumpanya tulad ng Toyota at Ayala.
Nasa 83% hanggang 86% ang average employability rate o bilis makahanap ng trabaho ng mga TESDA graduates. Upang masolusyunan ang problema sa job mismatch, katuwang ng ahensya ang mga Industry Board na inilunsad noong nakaraang taon.
Ipinagmalaki rin ni Benitez ang mga digital platform ng ahensya, partikular ang TESDA Skills Passport mobile app na ginagabayan ng karakter na si “Professor K.” Sa kasalukuyan, may 270,000 Pilipino na ang nag-download ng app na ito, kung saan madaling ma-access ang TESDA Certification at QR Code, at maaari ring gamitin upang maghanap ng trabaho tulad ng mga bakante sa lalawigan ng Bohol.

Para naman sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), bukas ang e-TESDA online platform upang makakuha sila ng mga skills training kahit nasaan silang bansa.
Alinsunod sa mandato ni Pangulong Marcos Jr., pinalalakas din ang Enterprise-Based Training (E-BET). Ayon kay Benitez, mahigit 50 porsyento ng mga sumasailalim sa E-BET ay mga nagtapos ng kolehiyo. Binanggit din niya ang “Adopt-a-School Program” kung saan ang mga pribadong paaralan ay maaaring makipagtulungan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng TESDA o CHED upang makatanggap ng mga insentibo.
Sa pag-iikot sa TESDA Women’s Center, ipinakita ang Ginebra San Miguel Bar Academy kung saan ibinahagi ng dating OFW sa Qatar na si Shella D. Bawar ang kanyang tagumpay. Matapos mag-training sa bar tending noong 2009, nagtuturo na siya ngayon sa iba at mas malaki na ang kinikita kumpara noong nasa ibang bansa pa siya. Marami sa kanyang mga estudyante ang nagtatrabaho na ngayon sa mga 5-star hotel.

Samantala, sa Unitec Plumbing Academy, binigyang-diin ni Engr. Ryan M. Llanto na binibigyang-priyoridad nila ang mga kababaihan sa industriya ng pagtutubero. Ang pagsasanay ay tumatagal ng 20 araw para sa unang yugto at 29 araw para sa ikalawang yugto.
Sa kasalukuyan, may limang babaeng nagtapos na ang matagumpay na nakapagtrabaho sa ibang bansa. May 25 trainees kada batch ang pasilidad, kung saan ang ilan ay mga ina at ang iba naman ay nagpasyang mag-aral ng Engineering matapos ang kurso.
Dahil sa pondong nakalaan para sa ahensya noong 2025, nagkaroon ang TESDA ng 600,000 hanggang 650,000 na mga iskolar, at inaasahang tataas pa ito dahil sa pagbubukas ng online enrollment.
Inanunsyo rin ni Benitez na ilulunsad sa susunod na buwan ang Training Local program, isang malawakang community training para sa mga lokal na pamayanan.
