Naging mas makulay ang opisyal na paglulunsad ng transport technology company na TransRev sa kanilang makabagong Driver Retention Program kahapon, Hunyo 9, matapos itong dinaluhan nina Cainta Mayor Kit Nieto at Nanay Onie De Leon, na kinatawan naman ni Mayor Allan De Leon.
Ginanap ang aktibidad ganap na alas-2:00 ng hapon sa Forthing Showroom na matatagpuan sa Ortigas Avenue Extension sa Cainta, Rizal.
Ang programa, na isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng Forthing EV at inDrive, ay naglalayong magkaloob ng karagdagang suporta, insentibo, at pangmatagalang kalinga sa mga partner-driver ng Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Sa gitna ng pagtitipon na dinaluhan ng mga opisyal ng kumpanya, mga stakeholder, at mga kinatawan ng media, naging highlight din ang pagtataguyod ni Laban TNVS National President Jun De Leon sa “Drive-to-Own” fleet management program bilang solusyon sa pasanin ng mga tsuper.

Ayon kay De Leon, walang pangmatagalang pakinabang ang mga tradisyunal na car rental o boundary system dahil nananatiling nangungupahan lamang ang mga driver gaano man katagal mamasada.
BASAHIN: FDCP, Nakilahok sa Forum Discussions ng MIAVF
Sa ilalim ng Drive-to-Own scheme, ang pagmamay-ari ng sasakyan ang magsisilbing motibasyon ng mga tsuper dahil ang kanilang araw-araw na hulog o boundary sa ilalim ng isang fixed-term contract ay direktang napupunta sa unti-unting pagbili ng mismong sasakyan.

Inihayag ni De Leon na ang naturang programa ay isang win-win scenario dahil bukod sa masisiguro nito ang patuloy na kita para sa fleet management, mabibigyan naman nito ang mga partner-driver ng katatagang pinansyal at pagkakataong magkaroon ng sariling ari-arian na magagamit sa kanilang kabuhayan.
Bukod sa Drive-to-Own scheme, inilahad din ang mga pangunahing benepisyo sa ilalim ng naturang programa upang kilalanin ang sipag ng mga driver at mapabuti ang kanilang kapakanan.

Kabilang dito ang Insurance Assistance para sa karagdagang proteksyon at seguridad sa kalsada, Educational Support o tulong-pinansyal at scholarship para sa pamilya ng mga tsuper, at Housing Program na magbibigay ng pagkakataon sa mga kwalipikadong partner-driver na magkaroon ng sariling tahanan.
“Ang hakbang na ito ay bahagi ng bisyon ng TransRev na lumikha ng mas maraming oportunidad at makabuluhang benepisyo para sa buong TNVS community,” pahayag ni De Leon hinggil sa kanilang estratehikong pakikipagtulungan sa Forthing EV at inDrive na sinaksihan ng mga lokal na lider ng Cainta.
