Arestado ang lolo at ama ng isang 12-anyos na dalagita matapos ireklamo ng paulit-ulit na panghahalay at pang-aabuso sa Maynila, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes.
Nakorner ng mga awtoridad ang dalawang suspek—isang 57-anyos at isang 37-anyos—noong Lunes, matapos mismong ang biktima ang lumapit sa pulisya upang isumbong ang malagim nitong sinapit. Hindi muna pinangalanan ng NCRPO ang mga suspek at ang biktima upang protektahan ang pagkakakilanlan ng menor de edad.
Ayon sa pahayag ng NCRPO, nagsimula ang pag-aksyon ng pulisya nang isumbong ng dalagita na hinipuan siya ng kanyang lolo nitong madaling-araw ng Lunes.
Sa masusing imbestigasyon, lumabas na hindi ito ang unang pagkakataon.
BASAHIN: 2 most wanted sa kasong murder at carnapping, timbog ng NPD
Bukod sa insidente noong Lunes, apat na beses pa umanong inabuso ng lolo ang biktima sa loob ng nakalipas na dalawang taon.
Inakusahan din ng biktima ang kanyang sariling ama ng limang magkakahiwalay na panggagahasa mula noong taong 2024 hanggang Mayo 27, 2026.
“Tiniis ng bata ang pang-aabuso nang tahimik sa loob ng ilang taon dahil sa takot na hindi paniwalaan at paghigantihan. Ang pagtira sa ilalim ng iisang bubong kasama ang dalawang salarin ay nagdulot sa kanya ng walang katapusang takot, emotional trauma, at kawalan ng pag-asa,” pahayag ng NCRPO.
Idinagdag ng pulisya na ang labis na paghihirap na ito ang nagtulak sa biktima na maglakas-loob na humingi ng tulong, na siyang naging daan para maaresto ang mga suspek.
Kasalukuyan nang nasa piitan ng Manila Police District (MPD) ang mag-ama habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa local prosecutor’s office.
Inaasahang mahaharap ang dalawang suspek sa Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) at Republic Act No. 8353 (Anti-Rape Law)
Bukod sa mga nabanggit, nahaharap din ang lolo sa karagdagang kaso ng acts of lasciviousness.
