Nagpahayag ng matinding kalungkutan si Senator Jinggoy Estrada sa biglaang pagpanaw ng dalawang basketbolista ng Ateneo de Manila University na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Bilang isang basketball enthusiast at team owner, sinabi ni Estrada na labis siyang naapektuhan sa trahedyang ito na aniya ay personal at malapit sa kanyang puso.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng senador ang hirap at dedikasyon na pinagdadaanan ng mga batang atleta upang marating ang kanilang mga pangarap.
“Alam ko kung gaano kalaki ang sakripisyong ibinubuhos ng bawat manlalaro sa pagsasanay at sa bawat laro, sa hangaring makarating sa UAAP (University Athletic Association of the Philippines) at kalaunan ay sa professional league,” saad ni Estrada.
BASAHIN: Malalang kondisyon sa kalusugan ni Bonoan, inihayag sa arraignment ni Jinggoy
Idinagdag pa ng mambabatas na sina Baterbonia at Adili ay “mga batang atleta na punong-puno ng pag-asa — na nawala sa mismong simula ng kanilang paglalakbay.”
Ipinaabot din ng senador ang kanyang pakikidalamhati at panalangin para sa mga naulilang pamilya at sa buong unibersidad na nagluluksa ngayon.
“Buong-puso akong nakikiramay sa kanilang mga pamilya, mga kasamahan sa koponan, mga coach, at sa buong komunidad ng Ateneo sa napakasakit na panahong ito,” pahayag ng senador.
Idinagdag niya na kaisa siya ng lahat sa pagdarasal na pagkalooban ng lakas at hapis ang mga naiwan ng dalawang atleta.
