Dalawang lalaki na kapwa nakatala bilang “Most Wanted Person” ang magkasunod na ibinagsak sa kalaboso ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD) matapos silang masukol sa magkakahiwalay na manhunt operation sa Malabon at Caloocan.
Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang mga operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga nagtatago sa batas sa hurisdiksyon ng CAMANAVA.
Unang nalambat sa Brgy. Tugatog, Malabon City ang isang 35-anyos na lalaki na itinuturing na No. 1 Top Ten Most Wanted Person sa antas ng NPD, at kapwa No. 2 Most Wanted sa Regional at Station Level.
BASAHIN: 8 suspek sa carnapping, arestado ng EPD sa loob ng 24 oras
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng mga pulis base sa impormasyong naispatan ito sa lugar.
Isinilbi sa kanya ang warrant of arrest para sa kasong Murder (Pagpatay) na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 291, Malabon City, noong December 12, 2025.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa suspek, na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Malabon City Police Station habang hinihintay ang paglilipat sa kanya sa City Jail.
Samantala, hindi rin nakaligtas sa batas ang isang 21-anyos na kelot na nakatala naman bilang Most Wanted Person ng Navotas City Police Station matapos siyang matunton sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. 8, Caloocan City.
Ikinasa ng mga tauhan ng NPD ang manhunt operation matapos makatanggap ng tip hinggil sa kinaroroonan ng binata.
Bitbit ng mga pulis ang warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 287, Navotas City, noong June 1, 2026, dahil sa paglabag sa Sec. 3 ng R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016).
Nagtakda ang hukuman ng ₱300,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado, na ngayon ay nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya.
