Isang malaking dagok sa mga kriminal matapos lansagin ng Eastern Police District (EPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang notoryus na carnapping group sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila at Rizal sa loob lamang ng 24 oras.
Walong (8) suspek ang matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Marikina City Police Station, katuwang ang Anti-Carnapping Unit (ANCAR), District Intelligence Division, at District Anti-Carnapping Unit, sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Melecio M. Buslig Jr.
Nagsimula ang operasyon matapos biktimahin ang isang 20-anyos na estudyante bandang 2:29 ng madaling araw noong Hunyo 5, 2026, sa harap ng isang burger store sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City. Sapilitang tinangay ng apat na armadong lalaking naka-balaclava at helmet ang kanyang puting Honda PCX 2025.
Agad na nagkasa ng follow-up operation ang pulisya. Bandang 10:45 ng umaga sa parehong araw, natunton ng mga awtoridad ang GPS location ng ninakaw na iPhone 16 Pro Max ng biktima sa Recomville 2, Barangay 171, Caloocan City.
BASAHIN: 1,200 pulis, ikakalat ng NPD sa pagbubukas ng klase
Doon narekober ang cellphone sa loob ng bag ng isang suspek na lulan ng isang Hyundai Stargazer matapos itong tawagan ng biktima at tumunog. Nakumpiska rin sa suspek ang isang unlicensed 9mm caliber pistol na may walong bala.
Matapos umamin ang unang suspek sa imbestigasyon, sunod-sunod na sinalakay ng pulisya ang iba pang kuta ng grupo sa Taytay (Rizal), Taguig City, at Pasig City.
Narekober sa serye ng mga operasyon ang mga sumusunod na ebidensya at kagamitan: isang SUV Hyundai Stargazer at isang Toyota Vios sedan para sa mga kotse; dalawang Honda PCX kasama ang sa biktima, isang Honda Click, isang Yamaha Aerox, isang Yamaha NMAX, isang Yamaha Mio Soul, at isang Suzuki Raider para naman sa mga motorsiklo; at isang .38 caliber revolver na may mga bala, kasama ang mga ginamit na helmet, jacket, at balaclava o bonnet sa panghiholdap para sa mga armas at iba pang kagamitan.
Sa Lupang Arenda, Taytay, Rizal, bawi ang motorsiklo ng estudyante at nahuli ang dalawa pang suspek, kabilang ang isang menor de edad. Limang iba pang miyembro naman ang nalagas sa Taguig at Pasig.
“Ang pagkakadakip sa walong suspek at pagkakabawi ng mga ninakaw na sasakyan at baril sa loob ng 24 oras ay patunay ng dedikasyon ng ating kapulisan. Ito ay bahagi ng ating ‘Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman’,” pahayag ni PBGEN Buslig Jr.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Male Custodial Facility ng Marikina City Police Station at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
