Umabot na sa kabuuang 15,730 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nailipat ng Bureau of Corrections (BuCor) mula sa New Bilibid Prison (NBP) patungo sa iba’t ibang penal farms sa bansa mula noong 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Ang malawakang paglilipat ay bahagi ng mas malaking estratehiya ng kawanihan upang ihanda ang tuluyang pagsasara ng NBP pagdating ng taong 2028, na naglalayong bigyang-daan ang redevelopement ng isa sa pinakamalaking pasilidad ng piitan sa Pilipinas.
Kinumpirma ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang naturang datos, kasabay ng paglilipat nitong Lunes ng umaga sa huling batch ng 100 PDLs mula sa NBP patungo naman sa Leyte Regional Prison.
Ayon kay Catapang, ang planong pagsasara ng Bilibid ay nagdadala ng hamon at oportunidad para sa kawanihan. Upang suportahan ang malaking pagbabagong ito, nagdaos kamakailan ang BuCor ng isang marketing summit na nakatuon sa magiging kapakinabangan ng malawak na lupain ng NBP.
Ang buong piitan ay nakatirik sa malawak na lupaing may kabuuang 375.61 ektarya, kung saan 160 ektarya nito ang itatabi para sa mga commercial leasing arrangements, habang ang karagdagang 106 ektarya naman ay itinalaga para sa Public-Private Partnership (PPP) o Joint Venture (JV) agreements.
BASAHIN: SEN. ERWIN TULFO NAG-DONATE NG 2 BAGONG PATROL VEHICLES SA BUCOR
Layunin ng ambisyosong planong ito na lumikha ng matatag at pangmatagalang pondo na gagamitin para sa mga modernisasyon at developmental programs ng BuCor.
“This strategic move not only paves the way for redevelopment but also represents a forward-looking approach to asset management for sustainable institutional growth,” pahayag ni Catapang.
Nilinaw naman ng opisyal na sa kabila ng mga kasunduan sa pagpapaupa, ang pagmamay-ari ng lahat ng ari-arian ay mananatili sa pamahalaan at walang kahit isang lupain ang ibebenta.
Inaasahang maglalaro sa P65 hanggang P100 kada metro kuwadrado ang buwanang upa kasama na ang value-added tax (VAT). Batay sa kalkulasyong ito, ang 160-ektaryang commercial portion pa lamang ay tinatayang kikita na ng humigit-kumulang P1.25 bilyon hanggang P1.92 bilyon kada taon.
