Nagpahayag ng pakikiramay at kahandaang tumulong si Japanese Prime Minister Sanae Takaichi para sa mga biktima ng malakas na magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa rehiyon ng Mindanao.
Sa isang opisyal na pahayag, inihayag ng Japan Prime Minister ang kanyang labis na kalungkutan sa mga paunang ulat hinggil sa pinsalang idinulot ng kalamidad, partikular na ang pagbagsak ng mga gusali sa southern Philippines.
“I am deeply saddened by reports that the major earthquake that struck off Mindanao in the southern Philippines has caused damage, including the collapse of buildings,” anang Prime Minister sa kanyang mensahe.
Ipinaabot din ni Takaichi ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilyang naulila at sa mga nasawi, gayundin ang kanyang simpatya sa lahat ng mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol.
BASAHIN: Bagong mayorya sa Senado, magdo-donate ng isang buwang sahod para sa biktima ng lindol
“I extend my heartfelt condolences to all those who lost their lives and to their bereaved families, and my sincere sympathies to all those affected,” dagdag pa ng opisyal.
Binigyang-diin din niya na bukas ang kanilang pamahalaan sa pagkakaloob ng anumang kinakailangang ayuda ng bansa, alinsunod sa magiging assessment at pangangailangan sa ground ng mga lokal na awtoridad.
“Japan stands ready to provide all possible assistance that the Philippines may need, based on local needs. Japan always stands with the people of the Philippines,” saad pa ni Takaichi.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring tinataya ng mga lokal na ahensya ng pamahalaan ang kabuuang lawak ng pinsala at bilang ng mga nasaktan sa naturang malakas na lindol sa Mindanao.
