Winakasan ng mga awtoridad ang pagtatago sa batas ni dismissed police Lt. Col. Rafael Dumlao, ang itinuturing na mastermind sa pagkidnap at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-joo, matapos itong maaresto nitong Martes ng umaga (Hunyo 9).
Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa isang press briefing na nadakip si Dumlao ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG NCR) bandang alas-5:00 ng umaga sa isang bahay sa Pasong Tamo, Quezon City.
May nakalaang P1.09 milyong patong sa ulo para sa pagkaaresto kay Dumlao, na nahaharap sa parusang habambuhay na pagkabilanggo matapos mabaligtad ang kanyang acquittal noong Hulyo 2024.
Ayon kay Remulla, natutulog si Dumlao nang pasukin ng tactical team ang kinaroroonang bahay na may matataas na pader at napapaligiran ng mga puno.
Tumagal ng tatlong linggo ang surveillance ng pulisya bago ang operasyon.
“Noong Linggo ay kasal ng kanyang anak. Sinubaybayan namin ang kanyang galaw kung siya nga talaga ito. Lumalabas na pinanood niya lang ang kasal sa Facebook Live at hindi personal na pumunta. Pero may narekord na galaw sa bahay, kaya nakumpirma naming siya nga ito,” pahayag ni Remulla.
Nang tanungin kung bakit sa Metro Manila nagtago at bakit mahaba na ang buhok ng dating opisyal, sinabi ng kalihim: “Mas madali magtago sa Metro Manila kaysa sa probinsya… Sa Metro Manila, walang pansinan dito eh. Kapag nagtatago ka naman, mahirap magpagupit, ‘di ba? So, ayan ang naging itsura niya.”
Nakuha mula kay Dumlao ang isang rehistradong 9mm na baston na nakapangalan sa ibang tao, pati na rin ang kanyang cellphone at laptop na isasailalim sa forensic examination upang matukoy kung sino ang mga tumulong sa kanyang pagtatago.
BASAHIN: 2 most wanted sa kasong murder at carnapping, timbog ng NPD
Matatandaang si Jee Ick-joo ay dinukot ng mga pulis sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 18, 2016, sa pekeng anti-drug operation.
Sinakal at pinatay ang banyaga sa mismong loob ng Camp Crame, bago krinimate ang mga labi at itinapon ang abu sa inidoro.
“Ito ay resulta ng mga abuso sa Oplan Tokhang… Ang Tokhang ay nagbigay ng labis na kapangyarihan sa mga operatiba ng PNP para gawin ang kanilang kapritso nang walang legal na proseso,” ani Remulla.
Ipinaalam na rin ng pamahalaan ang pagkaaresto kay Dumlao sa balo ni Jee na si Choi Kyung Jin, gayundin kay South Korean Ambassador Lee Sang-hwa at South Korean President Lee Jae-myung.
Una nang nahatulan ng reclusion perpetua (habambuhay na pagkabilanggo) nang walang parole ang mga kasamahan ni Dumlao na sina Chief Master Sgt. Ricky Sta. Isabel at NBI errand boy Jerry Omlang, habang ang isa pang akusado na si Executive Master Sgt. Roy Villegas ay naging state witness.
Dadalhin si Dumlao sa Court of Appeals para sa return of warrant.
Tiniyak naman ni Remulla na ang pagkaaresto sa dating opisyal ay patunay na seryoso ang DILG at PNP sa paglilinis sa kanilang hanay.
