Ipinatawag ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro si Chinese Ambassador Jing Quan nitong Lunes, Oktubre 19, dahil sa kontrobersyal nitong pahayag na aniya’y “maswerte” pa ang Pilipinas sapagkat hindi gumagamit ng pwersa ang China sa nangyayaring tensiyon sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Lazaro sa envoy na “provocative at hindi katanggap-tanggap” ang naturang pananalita dahil lalo lamang nitong pinalalala ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa at binabastos ang mga opisyal ng gobyerno.
Nag-ugat ang pahayag ni Jing matapos siyang mag-react sa komento ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na China ang tunay na nagpapasimula ng gulo sa rehiyon.
Sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas na ideklara si Jing bilang persona non grata, ipinahayag ng Malacañang na patuloy na pinahahalagahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang diplomasya at bukas na linya ng komunikasyon.
Bagama’t nilinaw ng DFA na may karapatan silang gumawa ng karagdagang hakbang diplomatiko kung kinakailangan.
