Nagtakda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Sabado, Hulyo 18, 2026, ng maximum na P60-cap sa ipinatutupad na booking at platform fees ng mga de-metrong taxi na gumagamit ng mga digital application.
Sa ilalim ng bagong Memorandum Circular (MC) 2026-055, ang singil sa online platform ay dapat 20 porsyento lamang ng kabuuang aprubadong pasahe o hindi lalampas sa P60, kung saan ang mas mababang halaga ang kailangang sundin ng mga operator at drivers.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza, binuo ang bagong patakaran matapos makatanggap ang ahensya ng sunod-sunod na reklamo at inquiries mula sa mga pasahero ukol sa pabago-bago at hindi awtorisadong dagdag-singil kapag nagbu-book ng taxi online.
BASAHIN: LEGALISASYON NG MOTORCYCLE TAXI ABOT-KAMAY NA AYON SA MGA RIDERS
Sa rebyu ng ahensya sa lumang MC 2025-058, napatunayang kulang ang malinaw na panuntunan para sa mga tradisyunal na taxi na sumasabay sa digital platforms, kaya naman nagdulot ito ng kalituhan sa publiko at tila overlapping na mga singilin sa convenience at service fees.
Binalaan naman ng LTFRB ang mga transport operators at app providers na hindi maaaring magpatupad ng anumang dagdag-surcharge na hindi nakasulat sa resibo at hindi aprubado ng lupon.
Inaatasan din silang ilatag muna sa screen ang kabuuang breakdown ng pamasahe bago kumpirmahin ng pasahero ang booking. Ang sinumang mahuhuling lalabag ay papatawan ng kaukulang administrative sanctions kabilang ang mabigat na multa, suspensyon, o tuluyang pagbawi sa kanilang prangkisa at akreditasyon.
