BINANATAN ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson si Senator Alan Peter Cayetano ngayong Sabado, Hulyo 18, 2026, kasunod ng mga paratang ng huli na nakuha umano ng dating hepe ng PNP ang kaniyang yaman sa pamamagitan ng “budget insertions.”
Sa kaniyang pahayag sa X (dating Twitter), tinawag ni Lacson na mababang uri ng “live selling at black propaganda” ang ginawa ni Cayetano.
Nilinaw niya na ang pag-akyat ng kaniyang net worth sa P244.9 milyon noong 2025 mula sa P58.7 milyon noong 2022 ay dahil sa mga lehitimong negosyo at estate deals na may kaukulang milyong pisong bayad sa buwis.
Sa halip na siya ang madiin, binuweltahan ni Lacson si Cayetano sa pagbubunyag na si Cayetano ang mayroong P6.79 bilyong budget insertions o pork barrel sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Palasyo inupakan si Cayetano sa P10K ayuda: ‘Style ni Duterte, kuhang-kuha!’
Direkta ring hinamon ni Lacson si Cayetano na huwag mainip sa mga susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee dahil may ibubunyag umano siyang mga “ghost flood control projects” at usapin ng 25% kickback sa slope protection infrastructure sa mismong balwarte nito sa Taguig City.
Kasabay nito, sumaklolo rin ang Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro upang kundenahin ang senador.
Ayon kay Castro, hindi na naman napigilan ni Cayetano ang kaniyang sarili sa paggawa ng mga kuwentong walang basehan upang manuro ng ibang tao para lamang isalba ang sarili sa kahihiyan at pagtakpan ang mga trabahong hindi naman nito nagagampanan sa Senado.
