Pumanaw na sa edad na 28 ang dating standout basketball player ng San Beda University at National University (NU) na si John Vincent “JV” Gallego ngayong Sabado, Hulyo 18, 2026.
Ayon kay Meycauayan City Police Station Chief of Police Melvin Florida, pabalik na sana ng Maynila si Gallego nang sumalpok ang kaniyang minamanehong sasakyan sa isang concrete barrier sa North Luzon Expressway (NLEX).
Kinumpirma na rin ng kaniyang pamilya sa social media ang malungkot na insidente.
BASAHIN: Special Investigation Task Group ‘MIMA’ binuo ng NPD
Si Gallego ay kilalang shooting guard na nag-iwan ng malaking marka sa Philippine collegiate basketball.
Naging bahagi siya ng makasaysayang championship run ng San Beda Red Lions sa NCAA Season 99 noong 2023, matapos ang kaniyang panunungkulan sa NU Bulldogs sa UAAP mula Season 78 hanggang 82.
Bukod dito, naging kinatawan din siya ng bansa sa ilalim ng Gilas Pilipinas Youth noong 2016 FIBA Asia U18 Championships at naglaro sa professional league para sa Bicol Volcanoes sa MPBL noong 2024.
Sa oras ng kaniyang pagpanaw, siya ang tumatayong head coach ng boys’ basketball team ng Colegio San Agustin sa Makati.
Bumabaha ngayon ng pagpupugay at pakikiramay mula sa kaniyang mga naging kapwa atleta at paaralan.
Nagpaabot ng mensahe ang NU Athletics Office na nagsabing palaging aalalahanin ang legasiyang iniwan ng basketbolista.
Nagpahayag din ng labis na kalungkutan ang kaniyang mga dating teammates na sina Fran Yu at Shaun Ildefonso, habang pinuri naman ng CSA Makati ang dedikasyon, gabay, at pasyon na ibinahagi ni “Coach JV” sa mga student-athletes na kaniyang hinawakan. (RON TOLENTINO)
