Hayagang binatikos ng Malacañang si Senator Alan Peter Cayetano ngayong Sabado, Hulyo 18, 2026, kasunod ng mga paratang nito na ibinasura umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang panukalang P10,000 pandemic aid para sa mga kwalipikadong Pilipino.
Sa isang Facebook livestream nitong Biyernes, inakusahan ng senador ang Pangulo na kesyo hindi ito sumang-ayon sa kaniyang ayudang “Sampung Libong Pag-asa” matapos manalo sa halalan noong 2022 kahit kaya naman umano ng pambansang badyet.
Hindi naman pinalampas ng Palasyo ang banat at agad itong sinagot ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace press officer Claire Castro.
BASAHIN: Castro sa Cayetano siblings: NBI SEA Games probe, trabaho lang at walang pulitika
Matapang na inihayag ni Castro na tila hindi mapigilan ng senador ang kaniyang sarili sa pagpapakalat ng mga intriga at kuwentong walang basehan.
Binuweltahan pa nito ang mambabatas sa pagsasabing, “Kuhang-kuha ang style ni dating Pangulong Duterte, mangangako pero para sa pangangampanya lang pala.”
Binigyang-diin pa ng Palasyo na sa halip na harapin ang kaniyang sariling mga pagkukulang sa trabaho ay mas pinipili pa ni Cayetano na manuro at magpasa ng sisi sa ibang tao.
Katunayan, ang inihain nitong Senate Bill 62 noong 2022 ay nanatili lamang nakabinbin sa committee level at tuluyang napabayaan hanggang sa pormal na magsara ang 19th Congress noong Hunyo 2025.
Tiniyak ng Malacañang na handa silang maglabas ng mga konkretong ebidensya upang tapatan ang mga kasinungalingan ng senador.
