Depensa ng Malacañang ngayong Hulyo 16, 2026, mandato at trabaho lamang ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-imbestiga sa 2019 SEA Games at walang kinalaman ito sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Kasunod ito ng matapang na pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano na porma raw ng “intimidation” at pananakot ang naturang imbestigasyon dahil siya ang dating namuno sa PHISGOC.
Ayon kay Palace Undersecretary Claire Castro, hindi kailangang utusan ng Pangulo ang NBI para gampanan ang kanilang tungkulin, at iginiit na hindi dapat matakot ang taong walang ginagawang masama.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng NBI task force nang makakuha sila ng mga dokumento ukol sa P10 bilyong unliquidated funds sa New Clark City Sports Complex, kawalan ng bidding, at ang kontrobersyal na P50-M cauldron.
BASAHIN: House prosecution panel, iniiwasang ‘abalahin’ si Marcos sa pagkuha ng tax records ni VP Duterte
Nilinaw din ng Palasyo na bagaman absuwelto na sa Ombudsman si DPWH Sec. Vince Dizon (dating BCDA Chief), si Cayetano ay hindi pa pormal na sumasailalim sa imbestigasyon noon dahil agad na nilinis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakahanda naman ang NBI na makipagtulungan sa COA at SEC upang mabusisi ang bilyon-bilyong pondo ng proyekto.
