Naghahanap ng ibang paraan ang House prosecution panel upang makuha ang tax records ni Vice President Sara Duterte nang hindi na kailangang hingin ang pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa impeachment trial.
Ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ngayong Huwebes, Hulyo 16, nais nilang iwasang abalahin ang Pangulo dahil marami na itong ginagawa.
Kasunod ito ng debate ng magkabilang panig noong Miyerkules, Hulyo 15, ukol sa hirit ng prosekusyon na i-subpoena ang mga bank, AMLC, at BIR records ni Duterte.
BASAHIN: VP Sara sa Impeachment Claims: ‘Gawa-gawa at Walang Ebidensya’
Batay sa kasaysayan, hiningi muna ng BIR ang pahintulot ni dating Pangulong Benigno Aquino III bago ilabas ang tax records sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Ayon naman kay prosecution counsel Lorna Kapunan, hindi pa nila pormal na napapag-usapan ang paghingi ng presidential authorization, ngunit gagawin nila ito kung hihilingin ng Impeachment Court.
Inaasahang magtatanong ang mga senator-judges sa Lunes, Hulyo 20, bago magdesisyon kung papayagan ang pag-subpoena sa mga dokumento ng Vice President. (BOYET BARBA JR)
