Tinitiyak ng Maynilad Water Services Inc. na mas handa ang kumpanya sa banta ng matinding El Niño sa bansa kumpara noong 2019.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam na nasa ilalim pa rin ng critical level.
Sa naganap na “Kapihan sa Manila Bay, forum” ipinaliwanag ni Ronald Padua, Vice President at Head ng Water Supply Operations ng Maynilad, na bagama’t nakatulong ang mga nakaraang pag-ulan upang bumagal ang pagbaba ng tubig sa Angat, hindi pa rin dapat magkampante ang publiko.
Upang mapunan ang kakulangan sa suplay, naglatag ang Maynilad ng mga “augmentation sources.” Kabilang dito ang operasyon ng kanilang pangatlong water treatment plant sa Laguna Lake (Poblacion Plant) na nagbibigay ng karagdagang 150 milyong litro kada araw (MLD).
Binigyang-diin din ni Padua ang tagumpay ng kanilang teknolohiyang “New Water” o ang pag-recycle ng wastewater (nanggaling sa mga bahay) upang gawing potable o ligtas na inuming tubig.
Ang planta sa Parañaque ay sinundan na ng isa pang mas malaking planta sa Pasay na inaasahang magbubukas sa Agosto.
“Tinitiyak namin na ang recycled na tubig na ito ay dumaan sa masusing proseso at sumusunod sa Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW),” ani Padua.
Ayon naman kay Jennifer Rufo, Spokesperson ng Maynilad, malaki ang naitulong ng kanilang “Non-Revenue Water (NRW) Recovery Program.”
Sa nakalipas na dalawa at kalahating taon, nakarekober ang kumpanya ng abot sa 285 MLD—halos katumbas ng kapasidad ng isang maliit na dam—mula sa pagkumpuni ng mga lumang tubo at paghahanap ng mga illegal connections.
BASAHIN: GSIS, NAGLAAN NG P12.62-M EMERGENCY LOAN PARA SA PUERTO GALERA DULOT NG EL NIÑO
Humingi rin ng paumanhin ang Maynilad sa trapik na idinudulot ng mga pipelaying projects at leak repairs, dahil kailangan umano itong gawin upang masiguro ang suplay ng tubig.
Sa kabila ng mga hakbang ng Maynilad, nanawagan ang mga opisyal sa publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig.
Ayon kay Rufo, ang pagtitipid sa panig ng mga mamimili (demand side) ay malaking tulong upang hindi agad maubos ang imbak na tubig sa mga dam.
Suportado rin ng kumpanya ang panukalang paglikha ng Department of Water sa Kongreso. Ayon sa Maynilad, ang pagkakaroon ng iisang ahensya na mamamahala sa lahat ng polisiya sa tubig ay magpapabilis sa mga proyekto at maiiwasan ang pagkakasalungat ng mga batas mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng MWSS, NWRB, at NIA.
“Ang tubig ay buhay. Hindi namin ito kinukuha nang magaan at seryoso kaming naghahanda para sa anumang epekto ng El Niño,” pagtatapos ni Padua.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Maynilad sa mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno upang masiguro na hindi mapuputol ang serbisyo sa kanilang mga customer sa West Zone ng Metro Manila at Cavite. (MINA PADERNA)
