Nagbukas ang Government Service Insurance System (GSIS) ng emergency loan program para sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado nito sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, matapos isailalim ang lungsod sa state of calamity dahil sa matinding tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig na dulot ng El Niño.
Naglaan ang ahensya ng tinatayang P12.62 milyong pondo na inaasahang makakatulong sa may 485 aktibong miyembro, pati na rin sa mga old-age at disability pensioners na direktang apektado ng kalamidad.
Upang maging kwalipikado sa pautang, dapat ay nagtatrabaho o naninirahan sa Puerto Galera ang aktibong miyembro, walang unpaid GSIS loan na lumalagpas sa anim na buwan, at hindi kasalukuyang naka-leave nang walang bayad. Bukod dito, kailangan ding mayroon silang hindi bababa sa tatlong buwang bayad na premium sa nakalipas na anim na buwan, walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal, at may natitirang buwanang take-home pay na hindi bababa sa P5,000 matapos ang lahat ng kaltas sa sahod.
Para naman sa mga old-age at disability pensioners, maaari silang makapag-apply basta’t naninirahan sila sa naturang lugar at may natitira pang hindi bababa sa 25% ng kanilang buwanang pensyon matapos ibawas ang buwanang hulog sa loan.
BASAHIN: GSIS ‘funeral benefit’, P50K na!
Maaaring makahiram ng hanggang P20,000 ang mga miyembrong walang kasalukuyang utang sa ilalim ng programang ito. Para naman sa mga may dati nang emergency loan, maaari silang humiram ng hanggang P40,000 kung saan ibabawas ang kanilang natitirang balanse upang makakuha pa rin ng netong halaga na P20,000.
Ang pautang ay may taunang interes na anim na porsyento (6%) at maaaring bayaran sa loob ng 36 na buwan sa pare-parehong hulog.
Bukod dito, walang sisingiling processing fee ang GSIS at may kasama itong loan redemption insurance—na nangangahulugang ituturing nang fully paid ang utang sakaling pumanaw ang nangutang, basta’t updated ang mga nakaraang bayad nito. Magkakaroon din ng dalawang buwang palugit o grace period bago simulan ang unang kaltas sa sahod o pensyon.
Maaaring maghain ng aplikasyon ang mga kwalipikadong miyembro at pensyonado hanggang Hulyo 24, 2026 gamit ang GSIS Touch mobile app.
Para sa mga karagdagang katanungan o impormasyon, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng GSIS, mag-email sa gsiscares@gsis.gov.ph, o tumawag sa kanilang mga opisyal na hotline sa mga sumusunod na numero: Metro Manila: (02) 8847-4747; Globe at TM: 1-800-8-847-4747; at Smart, Sun, at Talk ‘N Text: 1-800-10-847-4747 (MINA PADERNA)
