Pormal nang pumasok sa isang madiskarteng alyansa ang Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, at ang United Professional Electrical Engineers of the Philippines, Inc. (UPEEP) upang palakasin ang kahusayan, pananaliksik, at makabagong teknolohiya sa larangan ng electrical engineering sa bansa.
Sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU), magtutulungan ang dalawang dambuhalang institusyon upang iangat ang kakayahan ng mga lokal na inhinyero.
Nakatutok din ang kasunduan sa pagbuo ng mga bagong pamantayan para sa mga solar at battery storage installations, gayundin ang paghahanda ng bansa sa pagpasok ng nuclear energy.
Pinangunahan ang paglagda sa kasunduan nina Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, at Senior Vice President Ferdinand O. Geluz. Sa panig naman ng UPEEP, nanguna sina National President Jovenie F. Tagatac at National Vice President for External Affairs Mark Anjelo U. Estrada.
Sa ilalim ng kasunduang ito, magkatuwang na isasagawa ng Meralco at UPEEP ang mga sumusunod na inisyatiba. Una rito ay ang pagpapatupad ng mga makabagong technical training programs upang mas iangat pa ang antas ng propesyonalismo ng mga lokal na electrical engineers.
BASAHIN: Meralco nagbukas ng bagong substation sa Cavite upang palakasin ang suplay ng kuryente
Magtutulungan din ang dalawang panig sa mga advanced research at inobasyon na nakatuon sa mga makabagong teknolohiya sa kuryente.
Bukod dito, babalangkasin din nila ang mas ligtas at epektibong mga energy standards para sa pagkakabit ng mga solar panels at battery energy storage systems (BESS).
Panghuli, pagtutuunan din ng pansin ang pagbuo ng technical competency at pagsasanay ng mga inhinyero para sa pag-aaral at posibleng pagpapatakbo ng nuclear energy sa bansa sa hinaharap.
Ayon kay UPEEP National President Jovenie F. Tagatac, ang pagkakaisa ng kanilang samahan at ng Meralco ay isang “dynamic alliance” na magsasama sa mataas na kakayahan ng institusyon at sa aktuwal na karanasan ng mga professional electrical engineers sa bansa.
Sinuportahan naman ito ni Meralco COO Ronnie L. Aperocho na nagbigay-diin sa kahalagahan ng paghubog sa kakayahan ng mga manggagawa sa industriya ng enerhiya.
“Sa Meralco, naniniwala kami na ang kinabukasan ng ating industriya ay hindi lamang nakasalalay sa teknolohiya, kundi sa kakayahan ng ating mga tao. Ang kolaborasyong ito ay patunay ng ating iisang mithiin na isulong ang propesyon ng electrical engineering, patatagin ang technical excellence, at mag-ambag sa isang mas ligtas, makabago, at handa-sa-kinabukasang sektor ng enerhiya sa Pilipinas,” pahayag ni Aperocho.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng adbokasya ng Meralco na katuwangin ang pamahalaan at iba’t ibang sektor sa pagbuo ng mga programang nakalinya sa pambansang roadmap para sa energy efficiency at sustainability. (MINA PADERNA)
