Pormal nang pinagana ng Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, ang bagong tayong Osorio (Conchu) substation sa lalawigan ng Cavite.
Layunin nitong mapalakas ang kapasidad at itaas ang kalidad ng serbisyo ng kuryente para sa mga residente at negosyo sa lugar.
Kabilang sa mga modernong pasilidad na itinayo para sa proyekto ang isang 83 megavolt amperes (MVA) power transformer bank, tatlong 115-kilovolt (kV) gas circuit breakers, at anim na 115-kV disconnect switches.
BASAHIN: Maynilad project gumuho, 2 construction worker, nalibing nang buhay
Nagtayo rin ng mga bagong 115-kV sub-transmission lines at isang control house na nilagyan ng 34.5-kV indoor modular switchgear.
Malaking tulong ang Osorio (Conchu) Substation sa pagbibigay ng karagdagang lakas at mas maaasahang suplay ng kuryente sa lungsod ng Trece Martires at General Trias.
Inaasahang makikinabang dito ang mga residential consumers pati na rin ang mga malalaking establisyimento at institusyon tulad ng Trece Martires City Hall, City of General Trias Doctors Medical Center Inc., Lyceum of the Philippines University, at ang Eagle Ridge Golf and Residential Estates.
Ayon sa pamunuan ng Meralco, patuloy ang kanilang komitment sa pagpapalawak at pag-upgrade ng kanilang distribution network. Bahagi ito ng kanilang hakbang upang isulong ang paglago ng ekonomiya, tiyakin ang katatagan ng suplay ng kuryente, at maghatid ng de-kalidad na serbisyo sa buong franchise area nito.
