Hayagang hinamon ng Malacañang ang kampo ni Vice President Sara Duterte na harapin ang katotohanan sa halip na magtago sa mga legal na teknikalidad sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
Ito ay matapos sumagot si Palace Undersecretary Claire Castro ngayong Hulyo 16, 2026, sa argumento ng defense lawyer na si Atty. Michael Poa na hindi isang “magic wand” ang impeachment para basta na lang buksan ang bank, BIR, at AMLAC records ng mag-asawang Duterte.
Bahagyang binuweltahan ni Castro ang hindi pagpirma ni VP Sara ng waiver para sa kaniyang financial records, at sinabing obligasyon niya sa taumbayan na patunayang walang anomalya sa kaniyang pondo.
Sinupalpal din ng Palasyo ang depensa ng kampo ng Bise Presidente na hindi seryoso ang kaniyang “grave threats” case dahil bukas naman si Pangulong Marcos Jr. sa pakikipag-ayos.
BASAHIN: Castro sa Cayetano siblings: NBI SEA Games probe, trabaho lang at walang pulitika
Giit ng Malacañang, isang consumated na krimen ang pagbabanta sa buhay ng Pangulo at hindi ito mabubura ng simpleng pakikipag-reconcile.
Nakatakdang magpasya ang Senate Impeachment Court ngayong Lunes kung pahihintulutan ang subpoena sa mga selyadong bank records ng Bise Presidente.
Kasabay nito, inihahanda na rin ng Senado ang pagdinig bago mag-Agosto para sa Article 1 ng reklamo na nakatutok naman sa umano’y maanomalyang paggamit ng P500 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.
