Matagumpay na nagtapos ang tatlong araw na working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Singapore bitbit ang mga bagong kasunduan sa pamumuhunan, teknolohiya, at kalusugan.
Sa kaniyang pakikipagpulong kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong sa Istana, naging sentro ng talakayan ang pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa at ang maayos na turn-over ng ASEAN chairmanship ng Pilipinas sa Singapore para sa taong 2027.
Pormal ding binati ni PM Wong si Pangulong Marcos sa pag-angat ng Pilipinas bilang isang upper-middle income country sa kabila ng pandaigdigang krisis sa Gitnang Silangan.
Hindi rin pinalampas ng Singaporean leader na bigyang-pugay ang tennis superstar na si Alex Eala dahil sa kaniyang makasaysayang Wimbledon campaign, kung saan kumpiyansa si PM Wong na si Eala ang magiging unang Southeast Asian na mag-uuwi ng grand slam title sa naturang torneo.
Bukod sa diplomasya, nag-uwi si PBBM ng mga bilyong pisong pledges para sa digital infrastructure kasama ang Singtel at Globe Telecom, at healthcare expansion para sa abot-kayang gamot at ospital katuwang ang ABC Impact at Ayala Group.
Bago lumipad pabalik ng bansa, inilatag din ng Pangulo sa Milken Institute roundtable ang mga reporma ng kaniyang administrasyon para sa foreign investors.
Ang biyaheng ito ay ang ika-45 na foreign trip ni Marcos mula noong 2022.
