Nilinaw ni dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na hindi basta-basta maipalalabas ang tax records ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial nang walang pahintulot mula sa Pangulo.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Henares na sa ilalim ng Section 71 ng Tax Code, limitado lamang sa tatlong sitwasyon ang paglalabas ng tax returns ng isang indibidwal, kabilang ang tahasang awtorisasyon mula mismo sa nakaupong Pangulo ng bansa.
Inihalintulad ni Henares ang sitwasyon sa paglilitis noong 2012 kay dating Chief Justice Renato Corona kung saan pormal siyang humingi ng sulat-awtorisasyon kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bago isumite sa Senado ang mga ITR ng pamilya Corona upang maprotektahan ang ahensya sa kasong kriminal.
Binigyang-diin niya na hindi nasasapawan ng kapangyarihan ng Senado bilang Impeachment Court ang umiiral na batas sa buwis.
KAUGNAY NA BALITA: House prosecution panel, iniiwasang ‘abalahin’ si Marcos sa pagkuha ng tax records ni VP Duterte
Kung walang go-signal ng Pangulo, maiipit ang BIR Chief sa pagitan ng paglabag sa Tax Code o pagka-cite in contempt sa Senado.
Dagdag pa ng dating opisyal, napaka-kritikal ng tax records sa pagpapatunay ng reklamong unexplained wealth dahil dito ikukumpara ang yaman sa SALN at mga bank transactions laban sa opisyal na idineklarang kita sa BIR.
Kung may malaking agwat o discrepancy sa pagitan ng mga ito, doon pa lamang mapatutunayan ang krimen.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni Henares ang lahat na mahalagang masunod pa rin ang due process at ang proteksyon sa karapatan ng bawat panig sa ilalim ng Saligang Batas.
