Ipinagmalaki ni Mayor Kit Nieto ang naging tagumpay ng flood mitigation system ng bayan ng Cainta matapos ang pananalasa ng nagdaang Bagyong Inday.
Sa ginanap na press briefing kasama ang PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps, binigyang-diin ng alkalde na mabilis na humupa ang tubig sa maraming lugar sa Cainta dahil sa sabay-sabay na pagpapagana ng mga bagong pasilidad.
Ayon kay Nieto, ito ang unang pagkakataon na sabay-sabay na nagtrabaho ang limang pumping stations ng bayan.
“This is a series of pumps na na-boost natin yung paglabas ng tubig sa pinakamabilis na panahon galing sa endpoint doon sa eventually outflow,” ayon sa alkalde.
“I’d say malaking bahagi ng Cainta na-spare sa matagalang pagtaas ng tubig. Mapapansin ng mga tao ‘yung mabilis na pagbaba ng tubig, which is something that does not normally happen sa lugar namin,” dagdag pa niya.
Hindi rin dito hihinto ang lokal na pamahalaan dahil kasalukuyan nang itinatayo ang tatlo pang karagdagang pumping stations.
BASAHIN: Mula sa sariling karanasan: Mayor Keith Nieto, may libreng heart procedure para sa mga Cainteño
Kapag nakumpleto, aabot na sa walo ang mga pumping station na lalong magpapalakas sa kapasidad ng bayan na maglabas ng tubig-baha patungo sa floodway area.
Bukod sa mga lokal na inisyatiba, inilatag din ni Nieto ang pakikipagtulungan ng Cainta sa National Government para sa pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng dalawang malaking proyekto.
Una rito ang MMDA Interceptor, isang malaking interceptor sa Marcos Highway mula Sumulong hanggang Marikina River na layong i-bypass ang mga creek sa loob ng mga subdivision na kadalasang nag-o-overflow.
Ikalawa naman ang DPWH Interceptor na isang proyekto sa Imelda Avenue na direktang maglalabas ng tubig mula sa mga village patungo sa Cainta River.
Sinagot din ng alkalde ang mga obserbasyon na tila mas mabilis nang mawala ang baha sa Cainta kumpara sa mga karatig-bayan.
Nilinaw ni Nieto na hindi solusyon ang paghinto sa mga proyekto ng Cainta; sa halip, nanawagan siya ng “simultaneous planning” sa mga kalapit na lungsod at munisipalidad.
“Hindi naman ako nagreklamo na bumababa ang tubig sa amin galing Antipolo, San Mateo, at Marikina, kasi alam ko it’s the normal course of way ng mga tubig,” ani Nieto.
Hinimok niya ang ibang mga lokal na pamahalaan na mag-usap at maghanda rin para sa maayos na daloy ng tubig patungo sa mga tamang outflow.
Sa huli, tiniyak ni Mayor Kit Nieto na maglalaan ng pondo mula sa 20% Development Fund para sa regular na maintenance ng mga drainages upang masigurong walang bara at obstruction sa mga daluyan ng tubig sa buong taon.
