Kumpiyansa si Mayor Gerry Calderon na selyado na ang pag-angat ng ekonomiya ng bayan ng Angono matapos nitong ihayag ang target na P1 bilyong taunang kita sa susunod na taon. Ang mithiing ito ay nakasandal sa tagumpay ng bagong inilunsad na “Lipad Project.”
Ang Lipad Project, na ang kahulugan ay Light Industrial Park of Angono Dream, ay bahagi ng estratehiya ng lokal na pamahalaan upang i-maximize ang mga lupain sa bayan na dati ay hindi nagagamit nang husto. Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 150 ektarya ang nakabang para sa economic subdivision, mula sa target na 250 ektarya.
“Noong year 2000, P36 milyon lang ang income ng bayan. Ngayon, nasa P750 milyon na kami, at bago matapos ang susunod na taon, target namin ang P1 bilyon,” pahayag ni Mayor Calderon sa isang panayam.
Ayon sa alkalde, malaking bahagi ng paglago ng ekonomiya ay mula sa pakikipag-ugnayan sa mga private lot owners at malalaking kumpanya gaya ng Ortigas Center at pamilya Guido.
Binigyang-diin niya na ang susi sa pagpasok ng mga negosyante ay ang maayos na imprastraktura.
“Ang kalsada namin ngayon ay dinidisenyo na 15 hanggang 20 metro ang lapad. Kapag malapad ang kalsada, papasok ang negosyante. Hindi sila mag-i-invest kung 6 hanggang 10 metro lang ang daan,” dagdag pa ng alkalde.
BASAHIN: Baha sa Cainta, mas mabilis na humupa dahil sa 5 bagong pumping stations – Mayor Kit Nieto
Bukod sa malalaking industriya, isinusulong din ng bayan ang “Creative Economy” kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na stall owners na kumita nang mas malaki.
Ang pondong malilikom mula rito ay gagamitin upang mas mapalakas pa ang mga social services at basic services para sa mga mamamayan ng Angono.
Layon ni Calderon na iangat ang stature ng Angono bilang isang “Metropolis” o tinatawag niyang “Angonopolis”—isang bayan na may maayos na pamamahala, malinis na kapaligiran, at masiglang komersyo na maihahalintulad sa BGC at Ortigas Center.
Nagpasalamat din ang alkalde sa suporta ng nasyonal na pamahalaan at ng lalawigan ng Rizal sa ilalim ni Gov. Nina Ynares para sa mga proyektong imprastraktura na nagbibigay-daan sa mabilis na paglipad ng ekonomiya ng bayan.
