IPINAG-UTOS ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pagsasagawa ng malawakang medical assessment sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) kasunod ng naitalang pagtaas ng kaso ng amoebiasis.
Ang direktibang ito ay inilabas matapos matanggap ang ulat mula kay CT/CSUPT Ma Cecilia Villanueva, Chief ng Directorate for Health and Welfare Services ng NBP Hospital, base na rin sa pagsusuri ni CTCINSP Kristoffer Solis, ang Medical Officer on Duty.
Sa pagsusuring ginawa, natukoy na halos lahat ng kaso ay nakatutok sa Reception and Diagnostic Center (RDC)—ang pasilidad kung saan pansamantalang nananatili ng hanggang 60 araw ang mga bagong pasok na PDL.
Mula Enero hanggang Hunyo, nakapagtala ang pamunuan ng 95 na kabuuang kaso. Sa bilang na ito, 92 na kaso o 96.84 porsyento ay nagmula sa RDC.
Samantala, tatlo lamang ang naitala sa labas ng pasilidad: isa sa Maximum Security Camp at dalawa sa Medium Security Camp.
BASAHIN: 500 PDL mula Bilibid at CIW, inilipat sa Davao Penal Farm
Dahil dito, binigyang-diin ang kahalagahan ng mabilisang aksyon sa RDC upang hindi na kumalat pa ang sakit sa iba pang bahagi ng piitan.
Ang RDC ay nagsisilbing quarantine area sa unang limang araw ng mga bagong preso, na sinusundan ng 55-araw na orientation, diagnostic evaluation, at security classification.
Bilang bahagi ng pag-iingat, ipinag-utos din ni Catapang ang mas mahigpit na pagpapatupad ng kalinisan sa buong piitan at ang pamamahagi ng mga kinakailangang suplay tulad ng sulfur soap.
Inatasan din ang Directorate for Health and Welfare Services na magsagawa ng regular na konsultasyon at masusing bantayan ang kalusugan ng mga PDL.
Ayon kay Catapang, layunin ng mga hakbang na ito na maagapan ang mga kasalukuyang may sakit, mapababa ang tsansa ng pagkahawa, at mapangalagaan ang pangkalahatang kalusugan sa loob ng pambansang bibilibid.
