Personal na pinuntahan at nakiramay si Senador Robin Padilla sa pamilya ng motorcycle taxi rider na sinaksak at hinoldap sa Caloocan City.
Mariing kinondena ng senador ang brutal na pag-atake kung saan paulit-ulit na sinaksak ng isang pasahero ang biktima bago tinangay ang motorsiklo nito.
Bunsod ng malagim na insidente, muling binuhay at iginiit ng senador ang kaniyang panawagan na maibalik ang death penalty o parusang kamatayan sa Pilipinas.
Ayon kay Padilla, ang tindi ng mga marahas na krimen ngayon ay nangangailangan ng mas mabigat na parusa upang mapigilan ang mga kriminal sa bansa.
Ibinahagi rin ng mambabatas ang kaniyang naging karanasan sa loob ng piitan noong kaniyang kabataan, na siyang nagbigay sa kaniya ng malalim na kaalaman sa ugali ng mga gumagawa ng ganitong krimen.
Giit ni Padilla, kapag buhay ng isang inosenteng tao ang kinuha, nararapat lamang na buhay din ng nagkasala ang maging kapalit nito sa ilalim ng batas.
