Photo: LTFRB
MAYNILA — Nagpahayag ng pag-asa ang mga motorcycle taxi rider na malapit nang maging ganap na legal ang kanilang hanapbuhay matapos ang isinagawang konsultasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng industriya.
Sa isinagawang dayalogo nitongHulyo 16, nagtipon ang mga kinatawan ng iba’t ibang motorcycle taxi platforms at mga opisyal ng LTFRB sa pangunguna ni Atty. Vigor Mendoza upang talakayin ang mga panuntunang magbibigay ng legal na balangkas sa operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.
Isa sa mga dumalo si Ryan Rillera, isang motorcycle taxi rider mula pa noong 2017, na nagsabing mahalagang hakbang ang direktang pakikipag-usap sa LTFRB matapos ang halos sampung taong panawagan ng mga rider para sa legalisasyon.
“Bakbakero po ako at halos araw-araw akong bumibiyahe simula pa noong 2017. Kaya malaking bagay para sa aming mga rider na umuusad na ang regulasyon para sa mga motorcycle taxi. Matagal na namin itong ipinaglalaban, at natutuwa kami na ngayon ay napag-uusapan na ito nang direkta kasama ang LTFRB,” ani Rillera.
Bukod sa legalisasyon, tinalakay rin sa konsultasyon ang rider accreditation, pasahe, mga diskuwento para sa mga pasahero, at ang pagpapatupad ng itinakdang rider cap.
Ayon sa mga rider, mahalagang maipatupad nang maayos ang rider cap upang maiwasan ang sobrang dami ng mga rider na maaaring magdulot ng pagbaba ng kanilang kita.

BASAHIN: MMDA, Angkas tinalakay ang NCAP, motorcycle lanes, at ibang isyu sa kalsada
“Mahalaga rin ang tamang rider cap dahil kapag balanse ang bilang ng mga rider, mas patas ang kita. At hindi lang motorcycle taxi riders ang makikinabang—pati mga jeepney, taxi, at tricycle drivers. Ang gusto naman nating lahat ay may maayos na kabuhayan ang bawat sektor ng transportasyon,” dagdag ni Rillera.
Tiniyak naman ng LTFRB na isasaalang-alang ang lahat ng mungkahi at komento ng mga kalahok habang patuloy na binubuo ang pinal na bersyon ng IRR.
Ayon sa mga rider, malaking hakbang ang konsultasyon dahil nabigyan sila ng pagkakataong direktang maiparating ang kanilang mga hinaing at mungkahi sa mga regulator, sa halip na umasa sa mga haka-haka o maling impormasyon.

Iginiit din ng mga kalahok na ang patas at malinaw na regulasyon ay hindi lamang makatutulong sa mga rider kundi maging sa mga commuter sa pamamagitan ng mas mataas na antas ng pananagutan, wastong akreditasyon, at pare-parehong pagpapatupad ng mga patakaran.
Sa pagtatapos ng konsultasyon, nagpahayag ang parehong panig ng kahandaang ipagpatuloy ang dayalogo habang papalapit ang ganap na legalisasyon ng motorcycle taxi sa bansa.
“Maraming salamat sa pagkakataong ito. Pagkatapos ng halos sampung taon, narito na tayo sa puntong seryosong nire-regulate ang hanapbuhay na ito. Maganda na nagtutulungan ang gobyerno at mga rider para makabuo ng mga patakarang patas sa lahat, nang walang naaagrabyadong ibang sektor at lahat ay may pagkakataong kumita para sa kani-kanilang pamilya,” pagtatapos ni Rillera
