PATAY ang 24-anyos na vlogger na kilalang supporter umano ni Pangulong Bongbong Marcos habang sugatan ang kanyang kalive-in matapos pasukin at ratratin ng hindi pa kilalang mga salarin sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Kaagad nalagutan ng hininga sahi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si alyas “Mima Alicia” ng Tierra Nova Subdivision Main, Brgy 171, patuloy namang inoobserbahan sa Camarin Doctors Hospital ang kanyang kinakasamang si alyas “Tapong”, 25, sanhi ng tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa pagpatay habang nagsasagawa na ng back tracking at forward tracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa mga suspek.
BASAHIN: Sen. Robin nakiramay sa pinatay na rider; parusang bitay muling binuhay
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pasado alas-3:06 ng madaling araw nang pasukin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek ang inuupahang bahay ng mag-live-in partner sa Block 3 Lot-18B, Tierra Nova, Subdivision, Main Brgy., 171, ng lungsod.
Posible umanong nakatakbo pang palabas ang mga biktima dahil sa kalsada na humandusay ang napaslang na biktima habang sugatan naman ang kanyang kinakasama na isinugod ng may -ari ng inuupahan nilang bahay sa nasabing pagamutan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang motosiklo habang kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 9 subalit bigo silang madakip ang mga salarin.
