Hinirang na grand winner ang mga benepisyaryo mula sa Zamboanga Peninsula sa katatapos lang na “Walang Gutom Kusinero: Cook-Off Challenge 2026” National Finals na ginanap sa Quezon City MICE Center.
Inanunsyo ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang tagumpay ng Region 9 sa kanilang entry na Mong Gu’t Marang sa Gata with Tusaba Corn.
Pumangalawa naman ang Region 2 (Cagayan Valley) para sa kanilang Dinakdakang Puso ng Saging habang ikatlo ang Region 6 (Western Visayas) sa kanilang Modern Tinolang Manok.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ipinakita ng kompetisyon na kayang-kaya ng pamilyang Pilipino na maghain ng masarap at masustansyang pagkain gamit ang mga simple at abot-kayang lokal na sangkap.
Giit ng kalihim, ang laban sa gutom ay hindi lang sa pagkakaroon ng makakain kundi sa tamang kaalaman sa nutrisyon, na siya namang itinuturo ng pamahalaan sa ilalim ng pinalawak na Walang Gutom Program (na dating tinatawag na Food Stamp Program).
Sumaludo rin si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa galing at pagmamahal na ipinamalas ng mga kalahok na nagtaguyod sa dignidad ng bawat pamilya.
Bago magtapos ang aktibidad, nag-iwan ng malaking sorpresa si Sec. Gatchalian matapos ihayag na personal na nagkaloob sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang First Lady ng tig-P100,000 cash grant para sa lahat ng 12 regional finalists, kaya naman deklaradong panalo at walang umuwing luhaan sa mga natatanging kusinero ng bansa
