Isang malaking ginhawa ang hatid ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cainta matapos itong makipag-alyansa sa isang pribadong ospital upang magkaloob ng libreng operasyon at mga pamamaraan sa puso para sa mga kuwalipikadong residente ng bayan.
Ang naturang programa ay inspirasyon ng naging personal na karanasan ni Cainta Mayor Keith Nieto, na kamakailan lang ay sumailalim sa angiogram at nilagyan ng ilang stent sa puso matapos matuklasan ang mga nakabarang ugat sa kanyang cardiovascular system.
Dahil sa napakamahal na gastusin sa ganitong uri ng operasyon at sa mahabang pila sa mga pampublikong institusyon tulad ng Philippine Heart Center, agad na inatasan ni Nieto ang pamunuan ng Cainta Municipal Hospital na humanap ng pribadong partner upang masagip ang buhay ng mga mahihirap na Cainteño.
BASAHIN: Matapos ang Ondoy at Ulysses: Giant shoes ng Marikina, muling ibinangon sa City Hall
Mabilis namang tinanggap ng Metro Antipolo Hospital, na kasalukuyang pinamamahalaan sa ilalim ng pamumuno ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan, ang kasunduan kung saan nalagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa loob lamang ng anim na araw.
Sa isang panayam sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps, ibinahagi ni Mayor Nieto na gagamitin ng mga pasyente ang kanilang mga pribilehiyo bilang miyembro ng PhilHealth.
Para sa mga residenteng wala pang account, agad itong ipoproseso ng LGU, at ang anumang balanse o kulang na hindi sagot ng insurance ay babayaran at sasagutin na mismo ng lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan, mayroon nang humigit-kumulang 38 na pasyente ang nakapila at naghihintay ng kanilang iskedyul para sa libreng operasyon matapos itong ipost ng alkalde sa kanyang Facebook page.
Sa ilalim ng itinakdang sistema, ang direktor ng municipal hospital ang unang magsusuri sa pasyente bago ito i-refer sa isang cardiovascular surgeon. Ang surgeon ang magpapasya kung talagang kinakailangang sumailalim ang pasyente sa angiogram o angioplasty bago tuluyan ipadala sa Metro Antipolo Hospital.
Bukod sa mga sakit sa puso, inialok din ng Metro Antipolo Hospital ang iba pang mga surgical procedure na sakop ng PhilHealth para sa mga karamdamang hindi pa kayang operahan sa loob ng pasilidad ng pamahalaan.
Kasabay ng programang ito, inanunsyo rin ni Nieto na pormal nang nag-aapply ang lokal na pamahalaan para sa Level 2 accreditation ng One Cainta Municipal Hospital ngayong taon upang mas mapalawak ang serbisyong medikal sa bayan.
Ibinahagi ng alkalde na sumailalim na sa inspeksyon ng Department of Health (DOH) ang ospital, at nagbigay na rin ang ahensya ng mga gabay upang tuluyan itong makapasa sa mga pamantayan.
Kapag nakuha ang Level 2 status, pahihintulutan na ang Cainta Municipal Hospital na magsagawa ng iba’t ibang uri ng mga bagong surgical procedure.
Kabilang sa mga pangunahing target nito ay ang pagtatayo ng sariling catheterization laboratory (cath lab) kapag nakuha na ang kaukulang lisensya, upang ang mga operasyon tulad ng angioplasty at angiogram ay magawa na mismo sa loob ng bayan sa mga susunod na araw nang hindi na lumalabas pa ng Cainta.
