Agarang nagpadala ang Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, at sa pamamagitan ng One Meralco Foundation (OMF), ng tulong at relief assistance para sa mga komunidad na niyanig ng malakas na lindol sa Southern Mindanao.
Bilang bahagi ng kanilang immediate response, sinimulan na ng OMF ang pamamahagi ng mga food pack, bottled water, drinking water, at solar lanterns sa mga apektadong residente at institusyon sa General Santos City, Sarangani, at mga karatig-lugar.
Katuwang ang mga lokal na kasosyo sa rehiyon, tinitiyak ng Meralco at OMF na makararating ang tulong sa mga pinaka-nangangailangang sektor kabilang ang mga ospital at pasilidad ng kalusugan (tulad ng St. Elizabeth Hospital at Socsargen County Hospital).
BASAHIN: VP SARA, NAKIRAMAY AT NAG-INSPEKSYON SA MGA KOMUNIDAD NA HINAGUPIT NG LINDOL
Gayundin ang mga evacuation center at mga apektadong baybaying-dagat (coastal communities) tulad ng sa Glan, Sarangani.
“Ang aming kaisipan at panalangin ay nasa mga mamamayan ng Southern Mindanao… Sa mga panahong tulad nito, mas nagiging makahulugan ang diwa ng bayanihan,” pahayag ni Ronnie L. Aperocho, Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer.
Bukod sa pagkain at tubig, pormal ding nag-alok ang Meralco ng tulong sa South Cotabato II Electric Cooperative, Inc. (SOCOTECO II) upang mapabilis ang pagbabalik ng supply ng kuryente sa General Santos City at ilang bahagi ng Sarangani at South Cotabato.
Handang magpadala ang Meralco ng mga technical personnel, line crews, mga kagamitan at makinarya para sa inspeksyon at pagkumpuni.
Ayon kay Aperocho, batid ng kumpanya ang kritikal na papel ng kuryente sa disaster response at recovery. Patuloy na makikipag-ugnayan ang Meralco at OMF sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang matukoy ang iba pang pangangailangan ng mga biktima ng sakuna.
