THE ICONIC GIANT SHOES ARE BACK! Muling ibinida nina Marikina City Mayor Maan Teodoro at First District Rep. Marcy Teodoro ang bagong-restor na dambuhalang sapatos sa City Hall nitong Lunes, Hunyo 8. Ang 2002 Guinness World Record holder na ito ay ang walang-kamatayang simbolo ng husay ng mga sapaterong Marikenyo at ng ating pagiging "Shoe Capital of the Philippines." (📸 MARIKINA LGU PHOTOS)
Upang mapanatili ang mayamang kultura at kasaysayan ng lungsod, muling ibinalik sa publiko ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang sikat na “giant shoes” na dating pinarangalan ng Guinness World Records, matapos sumailalim sa masusing restoration at rehabilitation.
Inilantad ang dambuhalang sapatos nitong Lunes, Hunyo 8, sa pangunguna ni Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, kasama ang mga opisyal at empleyado ng lungsod sa City Hall, kung saan ito pansamantalang mananatili upang mas madaling mabisita ng publiko.
Ayon kay Mayor Maan Teodoro, ang pangangalaga sa mga pamanang katulad nito ay mahalaga upang mapangalagaan ang kasaysayan, tradisyon, at tagumpay na humubog sa pagkakakilanlan ng komunidad.
BASAHIN: Marikina, binuksan ‘Balik Eskwela’ Shoe Bazaar para sa mga pamilyang apektado ng mataas na bilihin
“Our cultural heritage tells the story of who we are and where we came from. By preserving it, we ensure that future generations can appreciate the traditions, achievements, and values that helped shape Marikina,” pahayag ng alkalde.

Ang naturang higanteng sapatos, na may habang 18 talampakan, ay orihinal na binuo ng siyam na miyembro ng Colossal Footwear noong Oktubre 2002. Sa parehong taon, opisyal itong kinilala ng Guinness World Records bilang “world’s largest shoes.”
Gayunman, sa paglipas ng panahon ay unti-unti itong nasira, partikular na nang malubog sa baha dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009 at Bagyong Ulysses noong 2020. Dahil dito, pansamantala itong inalis sa public display upang kumpunihin.
Isinagawa ang pinakahuling restoration sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa lokal na manufacturer na C-Point at sa Philippine Footwear Federation, Inc. (PFFI).
Inihayag ni Mayor Teodoro na ang pagpapakita ng sapatos sa City Hall ay bukas para sa mga residente at mga bisita mula sa ibang lungsod upang muling pukawin ang pagmamalaki sa lokal na industriya ng sapatusan. “Heritage gives us a sense of identity and reminds us of the values that shaped our city. But remembering the past is only meaningful if it helps guide the future,” dagdag ni Teodoro. “Our task today is to build on that legacy and create greater opportunities for future generations of Marikenyos.”
