Ibinunyag ni dating Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga na nakatatanggap ng mga pagbabanta ang mga manlalaro ng Blue Eagles kasunod ng trahedyang ikinasawi nina Rene Baterbonia at Divine Adili noong nakaraang Lunes.
Bagamat tumangging magbigay ng karagdagang detalye ukol sa kalikasan ng mga banta, binigyang-diin ni Arespacochaga na lalo lamang nitong pinapalala ang sitwasyon habang pilit na kinakaharap ng koponan ang matinding trauma. Sina Baterbonia at Adili ay nalunod matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang nasa isang training camp sa Dipaculao, Aurora—isang insidente na opisyal nang idineklara ng mga awtoridad bilang isang aksidente.
“It doesn’t help na with all of what’s happening na crazy. Wag naman po sana. Tigilan niyo naman sana. Wag na kayong mag-te-threat sa mga players. Doesn’t help the situation,” pahayag ng isang malungkot na si Arespacochaga sa mga mamamahayag.
Nakausap ng media ang pamosong coach matapos ang 106-98 panalo ng TNT Tropang 5G laban sa Barangay Ginebra sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup, kung saan siya ay kasalukuyang nagsisilbing isa sa mga assistant coach.
BASAHIN: Jinggoy, nagluluksa sa pagpanaw ng 2 Ateneo basketball players
Aniya, batid niyang marami ang nalilito sa mga impormasyong kumakalat, kaya umaasa siyang mabibigyang-linaw ng mga kasalukuyang fact-finding probe ng iba’t ibang grupo kung ano talaga ang eksaktong nangyari sa nakapanlulumong hapon na iyon.
Bago ang kanyang laro sa PBA, sinamahan muna ni Arespacochaga ang mga manlalaro ng Blue Eagles sa burol ni Baterbonia sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City. Nakita rin sa burol sina Ateneo athletic director Em Fernandez, at mga assistant coach na sina Louie Alas, Dean Castano, Alton Lister, Nico Salva, at RJ Jazul.
Ayon kay Arespacochaga, personal na ninais ng mga manlalaro na pumunta sa burol hindi lamang upang makiramay, kundi upang direktang makausap ang mga magulang ni Baterbonia at ipaliwanag ang buong detalye ng pangyayari.
“It was very hard, of course. Medyo mabigat and all. Mahirap din with everything that is happening. The players, medyo traumatized pa at lahat at everything. It’s really hard,” ani Arespacochaga, na kasalukuyan na ring humahawak bilang Gilas Pilipinas Women U18 coach.
Ibinahagi rin ng coach na nagkausap na sila ni Ateneo head coach Tab Baldwin at ng buong coaching staff pagkarating ng mga ito mula sa Aurora. Sa ngayon, aniya, ang tanging magagawa muna nila ay ang magdamayan, umiyak, at magdasal habang inaasikaso ang iba pang mga obligasyon sa kabila ng pagdadalamhati.
Bagamat wala na siyang opisyal na katungkulan sa Ateneo ngayon, inamin ni Arespacochaga na lubos siyang nawasak sa pagkawala ng dalawa dahil naging manlalaro niya si Adili sa UAAP Season 88, habang si Baterbonia naman ay mula sa Ateneo de Davao na nakatakda sanang sumalang sa Ateneo de Manila.
Nanindigan siya na patuloy siyang tutulong sa anumang paraan sa kanyang mga itinuturing na kapwa coach at pamilya. Binigyang-diin niya na napakahalaga ng tamang impormasyon sa ngayon, kaya naman malaki ang kanyang tiwala sa mga isinasagawang imbestigasyon upang lumabas ang buong katotohanan. (RON TOLENTINO)
