Inaresto ng mga awtoridad ang dating gobernador ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson nitong Huwebes, Hunyo 11, sa kasong cyberlibel, ayon sa ulat ng pulisya.
Batay sa police spot report, ang 84-anyos na si Singson ay hinuli sa loob mismo ng kanyang tirahan sa Quezon City.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu ng Vigan City Regional Trial Court Branch 21.
BASAHIN: PBBM hinamon ng debate ng kanyang ‘dating kaibigan’ na si Chavit
Matapos ihain ang warrant, agad na dinala ang dating opisyal sa Police Station 12 (PS 12) ng Quezon City Police District upang isailalim sa karampatang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Gayunpaman, hindi nagtagal sa piitan ang dating gobernador.
Ayon sa pahayag ng pulisya, naglagak si Singson ng piyansa na nagkakahalaga ng P60,000 kaya agad din itong pinalaya sa mismong araw ng kanyang pagkaaresto.
