BUMUO ang Northern Police District (NPD) ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa masusi, mabilis, at epektibong imbestigasyon sa nangyaring pamamaslang sa babaing pro-administration vlogger sa Caloocan City
Inatasan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili ang SITG na gamitin ang lahat ng kakayahan sa pagsisiyasat at mapagkukuhanan ng kaalaman upang makilala, matukoy, at madakip ang mga salarin nang sa gayon ay malaman ang kanilang motibo sa karumal-dumal na krimen.
BASAHIN: Pro-Marcos blogger ‘Mima Alicia’ tinaniman ng bala sa ulo
Mariin ding kinondena ng NPD ang ginawang krimen na nagresulta sa pagkasawi ng kilalang vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, 24, at malubhang pagkasugat ng kanyang live-in partner na nangyari sa kanilang tirahan na may bakod sa Tierra Nova Subdivision Main, Brgy. 171, North Caloocan.
Nagpaabot rin ng taos-pusong pakikiramay ang NPD sa naulilang pamilya at mahal sa buhay ng biktima at kasama sila sa panalangin na agarang paggaling sa tinamong sugat ng kanyang kinakasama.
Umapela rin ang NPD sa sinumang may impormasyon na may kaugnayan sa insidente na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station, katapat ng pangakong lahat ng kanilang maibabahaging kaalaman ay ituturing na may pinakamataas na antas ng paglilihim. (JUVY LUCERO)
