HINDI nahirapan si EJ Obiena na kumbinsihin ang ilan sa pinakamahusay na pole vaulters sa mundo na dumayo sa Pilipinas para lumahok sa Atletang Ayala World Pole Vault Challenge na gaganapin sa Ayala Triangle Gardens, Makati, ngayong Linggo, Setyembre 21.
Ayon kay Obiena, sapat na ang pangakong pamamasyal sa Palawan upang mahikayat ang walong top-ranked athletes na makipagtagisan sa bansa.
Kasama sa mga lalahok sina world no. 5 Ersu Sasma ng Turkey, no. 6 Menno Vloon ng Netherlands, no. 12 Thibaut Collet ng France, no. 13 Ben Broeders ng Belgium, no. 14 Austin Miller at no. 23 Matt Ludwig ng United States, no. 15 Piotr Lisek ng Poland, at no. 16 Oleg Zernikel ng Germany.
“We’re going to go after this to Palawan. Everybody said yes right away,” pahayag ni Obiena sa meet-and-greet kasama ang mga tagahanga nitong Sabado.
Para kay Obiena, katuparan ng matagal na niyang pangarap ang nasabing torneo. Dapat sana’y itinuloy ito noong 2024 ngunit ipinagpaliban matapos siyang maapektuhan ng back injury na nakaapekto rin sa kanyang kampanya sa Tokyo Olympics.
Bukod dito, nakikita rin niya ang torneo bilang pagkakataon para makabawi matapos hindi makapasok sa finals ng World Athletics Championships sa Japan.
“First of all, I’m very thankful. I think our sport deserves a little bit more spotlight. It’s really a spectacle, a beautiful thing to watch, and you guys can experience firsthand tomorrow,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalaga ang presensiya ng kanyang mga kapwa world-class athletes upang magsilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga Pilipinong atleta. “Hopefully, the Philippines will always be in the world of pole vaulting,” ani Obiena.
Samantala, may isa pang pambato ang bansa sa torneo matapos makapasok si Hokett delos Santos ng UST sa World Pole Vault Challenge nang manguna siya sa National Pole Vault Competition na ginanap din sa Makati.
Nagtala si Delos Santos ng 5.00 metro para sa gintong medalya, habang sina Janry Ubas (4.45m) at Mejen Sombongan (4.45m) ay nag-uwi ng pilak at tanso.
Sa women’s division, si Alyana Nicolas ang nagwagi ng ginto (3.80m), kasunod ni Amy Christensen na nakakuha ng pilak (3.70m) at sina Jia Kawachi at Jessa Marie Libres na nagkasabay para sa tanso (3.40m).
Ang World Pole Vault Challenge ay opisyal na kinikilala at sanctioned ng World Athletics. (RON TOLENTINO)
